DOH, nais magkaroon ng eyeglasses subsidy ang mga senior citizens, bata na covered ng PhilHealth

  • Nais magdagdag ng Department of Health ng panibagong benepisyo para sa mga senior citizen at mga batang may problema sa mata
  • Pinag-aaralan nila ngayon ang paglalagay ng P500 eyeglasses subsidy sa mga bata at matatanda na may PhilHealth coverage
  • Naniniwala ang DOH na sa pamamagitan ng programa ay mas mabibigyan ang mga ito ng mas komprehensibong serbisyo para sa pangangalaga ng kanilang mga paningin
Image via Pixabay

Kasalakuyan nang nakikipag-uugnayan ang Department of Health (DOH) sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) upang mabigyan ng eyeglasses subsidy ang mga senior citizen at mga batang may problema sa paningin.

Sa bagong sistema na kanilang pinagyayaman, sinabi ng DOH na maaaring bigyan ng health centers ng referral para sa accredited optometrist ang mga bata at matatanda na nakararanas ng refractive errors tulad ng nearsightedness, farsightedness, at astigmatism.

Dito, maaari na rin umanong sagutin ng PhilHealth ang kanilang pagpapasalamin sa itinakda nitong halaga na P500 kada pasyente.

Ayon naman kay Maria Sylvia Uy na siyang namamahala ng Prevention of Blindness Program ng DOH, nais isakatuparan ng ahensya ang pagkakaloob ng eyeglasses sa mga ordinaryong Filipino, lalo na sa mga senior citizens at mga bata, para makuha nila ang pangangalaga na nararapat para sa kanilang mga mata.

“The DOH is giving priority to kindergarten-age children and senior citizens for the eyeglasses subsidy because of the impact of untreated eye disorder on their lives,” ani Uy, ayon na rin sa ulat ng Philippine Daily Inquirer.

Image via Pixabay

Dagdag pa niya, “It could have a negative impact on the academic performance of children. For senior citizens, they need [eyeglasses] because they are prone to falls.”

Sa ngayon, ang mga kabilang pa lamang sa coverage ng PhilHealth na may kinalaman sa paningin ay screening, consultation fee, at gastos para sa eye surgery na dulot ng cataract at glaucoma.

Source :

Inquirer, DWIZ