Batang nangangaroling na mali-mali ang lyrics, kinatuwaan ng mga netizens

  • Trending sa social media ang cute na caroling ng dalawang bata
  • Bulol kasi ang mga ito at mali-mali ang lyrics ng ‘Pasko Na Naman’
  • Masaya naman ang mga netizens sa performance ng dalawang bata na talaga namang nakaka-good vibes

Sinasabing ang Pasko ay para sa mga bata. Marami silang natatanggap na aginaldo at regalo tuwing panahon ng Kapaskuhan mula sa kanilang mga ninong at ninang. Bumibida rin sila sa pangangaroling at masayang pinaghahatian ang barya-barya nilang natatanggap mula sa mga tahanang inawitan.

Kaya naman trending ngayon sa Facebook ang video ng dalawang bata na tila naghahanda na sa pagsapit ng caroling season. Kinatuwaan ng mga netizens ang bulol-bulol na awit ng bata habang ang kasama naman niya ay abala sa ‘pagtugtog’ ng gitara.

Larawan mula sa Facebook post ni Popoy Maranan

Inupload ni Popoy Maranan ang video ng dalawang bata na nagtatanghal ng klasikong awiting pamasko na ‘Pasko Na Naman.’ Pero dahil bata pa, mali-mali at bulol pa ang bata sa pag-awit na nakadagdag sa pagkaaliw ng mga manonood.

Kahit paulit-ulit lang sa mga unang linya ng kanta ang batang babae, sige naman sa kunwaring pagtugtog ng laruang gitara ang kasama niyang batang lalaki. Sa caption ng video ni Maranan, ginamit niya ang bigkas ng bata sa liriko na ‘Pasko ang daan… ang tuli ang araw.”

Patok sa mga netizen ang video na mayroon na ngayong 14,000 reactions, 2,000 comments, at 26,000 shares. Habang isinusulat ang balitang ito, mayroon namang halos 850,000 views ang cute na cute na caroling ng dalawang bata isang linggo matapos i-upload.

Sabi nga ng ilang netizens, kung ganito naman ka-cute ang mamamasko sa iyo, kahit mali-mali ang lyrics ay hindi mo sila magagawang sabihan ng ‘Patawad po!’ Pahayag naman ng ilan, sigurado raw na maraming magbibigay sa bata lalo na ngayon at trending ang kanta niya.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Popoy Maranan

“Pag ganito nag-caroling sa akin, mataas ang talent fee na ibibigay ko,” sabi ng isang netizen na sinang-ayunan naman ng maraming kapuwa social media users.

“Sure na maraming magbibigay sa iyo sa Pasko kasi sikat ka na, baby girl. Thank you sa good vibes ninyong video. Nawala ang stress ko sa katatawa!” komento naman ng isa pang netizen.