VP Robredo, nanawagan sa kapwa government officials na huwag gumamit ng “wang wang”

  • Vice President Leni Robredo nanawagan sa mga opisyal ng pamahalaan na huwag gumamit ng wang wang
  • Insulto umano sa ordinaryong mamamayan ang paggamit ng wang wang ng mga opisyal
  • Nanawagan din si VP Robredo na ayusin ang mass transportation system

Insulto sa mga ordinaryong mamamayan ang nakaugalian ng ilang mga opisyal ng pamahalaan sa paggamit ng “wang wang” o sirena ng sasakyan at mga police escorts kapag bumibiyahe para hawiin ang ibang mga motorista sa lansangan, ayon kay Vice President Leni Robredo.

Imahe mula sa Leni Robredo Media Bureau

“Sobrang insulto ‘yun, ‘yung wang-wang kasi parang sinasabi mo ‘’yung mga lakad ninyo hindi importante, lakad ko lang ‘yung importante’,” ani Vice President Robredo.

“Pag palaging ganito ‘yung kalakaran ng government officials talagang paano mo mararamdaman ‘yung bigat na dinadala ng ating kababayan?” ayon pa sa Bise Presidente.

Ang hindi paggamit ng wang wang ay isang hakbang umano upang maramdaman ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagdurusang nararanasan ng mga ordinaryong mga motorista at commuters sa grabeng trapiko sa maraming bahagi ng bansa.

Kasabay ng panawagan na huwag gumamit ng wang wang, nagbigay din ng kanyang opinyon si Vice President Robredo tungkol sa naging pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang transportation crisis tulad ng sinasabi ng mga kritiko ng pamahalaan.

Imahe mula sa Office of the Presidential Spokesperson

“‘Yun ‘yung nakakalungkot lang kapag public official yung nagsasabing walang krisis kasi kapag sinasabi mong walang krisis wala ka talagang gagawin kasi para sa ‘yo walang problema. Kung hindi mo aaminin, walang sense of urgency,” aniya.

Ipinunto pa ni VP Robredo na hindi pa nareresolba ng administrasyon ang problema sa trapiko sa Metro Manila gayong nasa kalahatian na ng kanyang termino si Pangulong Rodrigo Duterte.

“Sana seryosohin ‘yung pag-aayos ng mass transport system,” ang panawagan niya.

Sa pag-aaral na ginawa ng Japan International Cooperation Agency, nalulugi ang bansa ng hanggang P3.5 bilyon kada araw dahil sa grabeng trapiko sa Metro Manila. Posible itong lumobo sa P5.4 billion daily sa taong 2035 kapag walang ginawang aksyon upang ayusin ang problema sa trapiko.

Imahe mula sa UNTV