Presidential spokesman Panelo tinanggap ang hamon ng labor group na mag-commute

  • Presidential Spokesman Sal Panelo sasakay ng public transport patungo sa kanyang Malacañang office
  • Ang pagko-commute ay gagawin ni Panelo bilang pagtanggap sa hamon ng ilang grupo na sumakay siya sa mga pampublikong sasakyan
  • Gagawin ni Panelo ang pagsakay ng jeep at LRT sa ika-11 ng Oktubre

Tinanggap ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang hamon sa kanya ng Kilusang Mayo Uno (KMU) labor group na mag-commute patungo sa Malacañang.

Imahe mula sa Facebook page ng Office of the Presidential Spokesperson

Noong Miyerkules, ika-9 ng Oktubre, ay sinabi ni Panelo na sasakay siya ng public transportation para pumasok sa Malacañang office niya. Itinakda niya sa Biyernes, ika-11 ng Oktubre, ang pagtanggap sa hamon ng KMU.

“The challenge to commute is accepted. This coming Friday, I’ll take the jeepney and the LRT in going to work,” pahayag ni Panelo.

Ang tagapagsalita ng Pangulo ay residente ng Marikina. Mararating niya ang San Miguel district sa Maynila kung saan naroroon ang Malacañang sa pamamagitan ng pagsakay sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).

Ang hamon kay Panelo ay nag-ugat sa pagtanggi niya na may umiiral na transportation crisis sa Metro Manila katulad ng iginiit ng ilang grupo tulad ng Bagong Alyansang Makabayan na pinangungunahan ni Renato Reyes.

Katwiran ni Panelo, walang transportation crisis dahil nakararating pa naman sa kanilang mga destinasyon ang mga pasahero.

Naglatag naman ng ilang kundisyon ang Anakbayan para sa gagawing pagsakay sa public transportation ni Panelo.

Anila, kailangangang gawin iyon sa rush hour, walang bodyguards na hahawi sa mga tao at hindi lang isang araw kundi isang linggo gagawin para masabing hindi iyon palabas lamang.

Imahe mula kay Renato Reyes via Twitter

Sinabi naman ni Renato Reyes na sasamahan niya si Panelo sa pagsakay ng LRT. Aniya, may katagalan ang biyahe ng LRT kaya gagamitin niya ang oras para makapag-usap sila hinggil sa problema ng mass transport system ng bansa.

“Now that we have Malacañang’s undivided attention, I would like to use the commute time with Panelo to take up with him the problems of the mass transport system. The waiting time at the LRT may be long so perhaps we can use that  productively by discussing long-term solutions,” saad ni Reyes.

“Pag-usapan natin sa b’yahe. See you Friday, Sal,” mensahe pa ni Reyes sa tagapagsalita ng Pangulo.

Imahe mula sa video ng GMA