P30k minimum pay para sa mga nurses, ipinanawagan

  • Isang grupo ng mga nurses ang humihiling ng P30,000 minimum monthly salary para sa mga nurses sa bansa
  • Ang sahod ng mga nurses sa gobyerno ay nasa pagitan lang ng P18,000 at P21,000 a month
  • Mas mababa ang natatanggap na sahod ng mga nurses sa private hospital na nasa P8,000 hanggang P12,000 lang kada buwan

Isang grupo ang nagsusulong na itaas sa P30,000 kada buwan ang minimum pay ng mga nurses sa bansa.

Imahe mula sa FNU-National

Ayon sa Filipino Nurses United (FNU), isang national organization ng mga nurses na nakikipaglaban para sa karapatan at kapakanan ng mga Pinoy nurses, sa ginawa nilang pag-aaaral ay nasa pagitan ng P18,000 at P21,000 ang take-home pay ng mga nurses sa pampublikong pagamutan.

Mas mababa pa umano ang suweldong natatanggap ng mga nurses sa mga pampribadong ospital na nasa pagitan lang ng P8,000 at P12,000 kada buwan, lalo na ‘yung mga nasa probinsya.

Ito ay sa kabila ng probisyon ng Republic Act No. 9173 o Philippine Nursing Act of 2002 na nagsasabing ang mga nurses sa gobyerno ay dapat makatanggap ng minimum Salary Grade 15 na nasa pagitan ng P19,845 at P30,531, depende sa city o municipality class.

Ang sahod na natatanggap ng mga nurses ay lubhang mas mababa kaysa sa sinasabi ng National Economic and Development Authority na P42,000 ang sapat na monthly budget para sa isang pamilyang Pilipino na may limang miyembro.

Imahe mula sa FNU-National

Sinabi ni FNU national president Eleanor Nolasco na kung mayroon mang panawagan sa mga nurses na manatili sila sa bansa para makapaglingkod sa mga kababayan kaysa mangibang-bansa ay hindi nila ito kakagatin.

Inamin ni Nolasco na ang hinihiling nilang P30,000 monthly basic salary ay hindi pa rin sapat para pigilan ang mga nurses na pangaraping mangibang-bansa dahil may oportunidad sila na kumita ng average monthly salary na katumbas ng P160,000 sa Canada at P200,000 sa Amerika.

Pero, giit niya ay rasonable ang kanilang panawagan.

“It’s really not enough. But we think that ours is a reasonable appeal. We are not asking beyond what is reasonable,” ani Nolasco.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Samantala, ilang mambabatas ang nagpasa ng mga panukalang batas para madagdagan ang sahod ng mga Filipino nurses.

Ayon sa anim na miyembro ng Makabayan Bloc sa House of Representatives, ang suweldo ng mga Pinoy nurses ay napakababa kumpara sa mga counterparts nito sa ibang ASEAN countries na sumasahod ng katumbas ng P55,930 hanggang P111,955 kasa buwan.

Ito umano ang pangunahing dahilan kung bakit umaalis ang mga nurses natin upang magtrabaho sa ibang bansa.