K to 12 program susuriin ng Kamara kung epektibo o hindi

  • Nais alamin ng Kamara kung epektibo o hindi ang K to 12 program
  • Maraming mga magulang ang nagrereklamo na ang K to 12 ay dalawang taong dagdag-gastos lang para sa kanila
  • Bukas naman ang DepEd sa review na isasagawa ng Kamara sa programa

Susuriin ng House of Representatives ang K to 12 program sa ilalim ng Enhanced Basic Education Act kung ito ay epektibo o hindi, lalong-lalo na tungkol sa employability ng graduates nito.

Imahe mula sa Debate

Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na nais alamin ng Kamara kung ano na ang estado ng sinabi noon ng Department of Education na ang mga magtatapos ng Grade 12 ay maaari nang makapasok sa trabaho.

“We in the House are of the consensus that K-12 is not living up to its promise, which is, after you finish senior high school, you don’t have to go to college. You gain skills to be employed,” wika ni House Speaker Cayetano.

Isang option na ibinibigay ng K to 12 program sa mga senior high school students ay ang pagkuha ng technical at vocational courses na diumano ay maihahanda sila sa pagtatrabaho pagkatapos maka-graduate.

Pero, sinabi ni Cayetano na marami pang mga isyu na dapat tugunan sa nasabing programa kagaya  ng kakulangan sa mga pasilidad. “But many schools still lack equipment, whether it is automotive, electrical or sports. So there are issues that we have to address,” aniya.

Ilang mambabatas ang nagpahayag ng pag-aalala sa bumababang performance ng mga high school graduates sa national achievement examinations.

Imahe mula sa Facebook account ni House Speaker Alan Peter Cayetano

Binanggit din nila ang resulta ng ilang survey na na nagsasabing maraming kumpanya ang ayaw kumuha ng K to 12 graduates bilang empleyado. Mas gusto pa rin nila ang mga aplikante na college graduates.

Maraming mga magulang na rin ang nagrereklamo na sa pamamagitan umano ng K to 12 program ay dinagdagan lang ng gobyerno ng dalawang taong dagdag na gastos ang high school education ng mga anak nila. Wala naman umanong malinaw na pruweba na ihahanda nito ang kanilang mga anak sa mas magandang kinabukasan.

Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang Department of Education na bukas sila sa gagawing review ng House of Repesentatives sa K to 12 program.

Imahe mula sa RMN
Source :

Philstar, Bandera