Iwas delay: Printing ng 116 million National ID, Bangko Sentral ng Pilipinas ang gagawa

  • Ang BSP ang magpi-print ng national ID upang maiwasan ang delay
  • Sinabi ni BSP Governor Diokno na kalimitang nade-delay ang proyekto kapag may bidding process na lalahukan ng private contractors
  • P30 bawat isang ID ang magagastos ng pamahalaan, pero libre itong ibibigay sa mga mamamayan at resident aliens

Karaniwang naaantala ang mga proyekto na idinaraan sa bidding process na nilalahukan ng private contractors kapag kinukwestuyon ng losing bidders ang desisyon ng bids and account committee. Upang maiwasan ang ganito, ang printing ng national ID sa ilalim ng Philippine Identification System (Philsys) ay gagawin na ng pamahalaan sa pamamagitan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Imahe mula sa BSP

“So to avoid that problem, we will do a government-to-government contract at minimal cost,” pahayag ni BSP Governor Benjamin Diokno.

Ang BSP at ang Philippine Statistics Authority (PSA) ay pumirma sa isang government-to-government agreement para sa printing ng 116 million blank cards na gagamitin sa national ID sa ilalim ng Philsys.

Batay sa memorandum of agreement (MOA) na pinirmahan ni Diokno at PSA Undersecretary at National Statistician Claire Dennis Mapa, gagawin ng BSP sa loob ng tatlong taon ang 116 million IDs.

Ang total cost ng ID ay P3.4 billion o P30 bawat isa, pero libre itong ipamamahagi sa lahat ng Pilipino at resident aliens.

“Under the MOA, the BSP shall produce 116 million pieces of blank cards for the Philippine ID for three years. We will also provide needed equipment and space for the embedding of personal information onto the blank cards, which will be done by the PSA,” ani Diokno.

Imahe mula sa PSA

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng pilot testing sa ilang lugar sa bansa para sa national ID. Sinimulan ito noong buwan ng Setyembre at matatapos sa Mayo ng taong 2020.

Sinabi ni Mapa na batay sa time-motion analysis sa isinasagawang pilot testing ng proyekto ay makapagrerehistro ang isang aplikante at makukuha ang ID sa loob lang ng 15 minutes. Medyo tatagal lang ito ng kaunti para sa mga senior citizens na may pisikal na limitasyon.

Source :

Inquirer, PNA