Isetann mall personal nang ikinandado ni Mayor Isko Moreno

  • Isetann mall sa Recto personal nang isinara ni Mayor Isko Moreno
  • Idinetalye ni Mayor Isko ang mga paglabag ng Isetann
  • Muling papayagang magbukas ang Isetann sa oras na maayos na nito ang mga paglabag

Bitbit ang kandado at kadena, personal na inihain ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang closure order laban sa Isetann Cinerama Recto dahil sa sari-saring paglabag.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Kasama ang mga tauhan ng Manila Business Permit and Licensing Office at ilang operatiba ng Manila P0lice District,  binigyan ni Mayor Isko Moreno ng kopya ng closure order ang manager ng shopping  mall bago personal na ikinandado ang entrance nito.

Nauna nang naibalita na walang business permit ang nasabing mall subalit pinasinungalingan ito ng Tri-Union Properties, Inc, ang  mall operator. Anila, mayroon silang business permit.

Ayon naman kay Mayor Isko, may business permit ang Isetann bilang isang mall, subalit wala itong business permit bilang lessor. Maraming business establishments ang nag-ooperate sa loob nito bilang mga tenants.

Mayroon din umanong misrepresentation sa business permit ng mall dahil nakasaad doon na 1,000 square meters lang ang laki ng shopping center. May apat din itong sinehan, pero isa lang ang may permit to operate.

“In relation to the multiple leased out stalls and spaces, there is no valid and existing business permit as a lessor,” anang alkalde.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Nilinaw naman ng mayor na maaari pang makapag-operate ulit ang Isetann kapag naayos na nito ang kanilang mga paglabag.

Naglabas naman ng public advisory ang Isetann matapos itong maipasara.

Ayon sa advisory na pirmado ng Marketing Group Head ng Isetann Department Store Inc. na si Joyie Dimayuga na pansamantala nilang ititigil ang mall operation bilang pagtalima sa closure order ng Manila City government.

Suportado umano ng mall ang adbokasiya ng lokal na pamahalaan ng Maynila at umaasang agad na mareresolba ang mga isyung kinasangkutan.

Habang sarado pa ang Recto branch nila, hinimok ng Isetann management ang publiko na bumisita sa iba nitong branch sa Carriedo, Sta. Mesa, P.Tuazon at Cubao.

Imahe mula sa Isetann
Source :

ABS-CBN, Inquirer