Dalawang hotel sa Pilipinas kabilang sa “The Best Hotels in the World”

  • Ibinoto ng mga readers ng Conde Nast Traveler magazine ang 2 hotel sa Pilipinas na mapabilang sa 50 best hotels in the world
  • Ang Conrad Manila at Edsa Shangri-La Manila ang nakasama sa listahan
  • Nasa 600,000 readers ang lumahok sa survey na ginawa ng travel magazine

Dalawang hotel sa Pilipinas ang napabilang sa 2019 Readers’ Choice Awards ng Conde Nast Traveler; isang luxury and lifestyle travel magazine.

Imahe mula sa CNT

Ayon sa travel magazine, umabot sa 600,000 readers nito ang lumahok sa ginawang survey para sa taong 2019 at nagbigay ng kanilang opinyon tungkol sa mga paboritong hotel na napuntahan nila.

Base sa isinagawang survey, inilista ng Conde Nast Traveler ang 50 best hotels in the world ayon sa kanilang mga mambabasa at napabilang sa listahan ang dalawang engrandeng hotel na matatagpuan sa Maynila.

Ibinoto ng mga readers ng travel magazine ang Conrad Manila at Edsa Shangri-La Manila bilang pang-45 at 46, ayon sa pagkakasunud-sunod, sa listahan ng 50 best hotels in the world ngayong taon.

Ang nanguna sa listahan ay ang SLS Hotel sa Beverly Hills, California.

Sinabi ni John Rice, ang area vice president of operations para sa Shangri-La Group sa Pilipinas, na lubos silang nagpapasalamat at nagagalak na napabilang sila sa listahan ng pinakamagagandang hotel sa buong mundo.

“We are deeply grateful and truly delighted to be named among the best of the best by our valued guests and readers of Conde Nast Traveler,” pahayag ni Mr. Rice.

Imahe mula sa Shangri-La Hotels

“Our colleagues and properties in the Philippines have been, and continue to be, a source of great pride for us,”dagdag pa niya.

At tulad ng inaasahan, ang Conrad Manila at Edsa Shangri-La Manila ay kabilang din sa listahan ng Conde Nast ng dalawampung pinakamagagandang hotel sa Asia bilang third at fourth placer. Kasama rin sa listahan ang Shangri-La at the Fort (14th) at ang Discovery Suites Manila (18th).

Imahe mula sa CNT