Ports of entry pinababantayang mabuti nang ‘di makapasok ang smuggled pork na kontaminado ng ASF

  • Imee Marcos pinakikilos ang mga concerned agencies na bantayan ang mga port of entry ng bansa upang ‘di makapasok ang pork meat na posibleng kontaminado ng ASF
  • Pinasisiguro ni Sen. Marcos na may sapat na suplay ng karne ng baboy upang walang mangyaring pagtaas ng presyo lalo na sa Christmas season
  • Hindi nakaaapekto sa mga tao ang ASF, ayon kay Health Secretary Duque

Nanawagan si Senator Imee Marcos sa mga kinauukulang ahensya, partikular na ang Philippine Port Authority at Bureau of Customs na higpitan ang pagbabantay at pagmomonitor sa mga ipinupuslit na karne ng baboy sa mga ports of entry ng bansa.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Imee Marcos

Ito ay upang masiguro na hindi makakapasok sa bansa ang mga karne na posibleng kontaminado ng African Swine Fever o ASF.

Ang panawagan ni Senator Marcos ay bunsod ng ginawang pagkumpirma ng Department of Agriculture (DA) na nakapasok na sa bansa ang ASF.

Pinasisiguro din niya sa DA at sa Department of Trade and Industry na mayroong sapat na supply ng karneng baboy sa mga pamilihan upang hindi tumaas ang presyo nito sa mga pamilihan, lalo na at paparating na ang Christmas season.

“Mahalaga na matiyak na hindi kontaminado ng ASF ang meat products na ihahanda sa Pasko ng mga Pinoy. Dapat maging maingat ang awtoridad sa pagbabantay sa mga alagang baboy at imported pork products bagama’t walang direktang epekto sa kalusugan ng tao ang pagkain ng karneng baboy na may ASF virus,” anang senadora.

Tiniyak rin ni Health Secreatary Francisco Duque III na ligtas na kumain ng mga karneng baboy dahil hindi naman nakakaapekto ang ASF sa kalusugan ng mga tao. Magkagayunman, pinayuhan niya ang publiko na lutuin nang mabuti, at hindi half-cooked, ang karne.

Screenshot mula sa video ng Sunstar

“We want to allay the fears of the public by saying that, as long as pork is bought from reliable sources and it is cooked thoroughly, pork is safe to eat,” paliwanag ni Sec. Duque.