Mga negosyante hinihikayat ni Mayor Isko na mamuhunan at magpatayo ng mga bagong gusali sa Escolta

  • Mayor Isko, hinihimok ang mga negosyante na mamuhunan sa Escolta
  • 15 years tax exemption ang alok ng alkalde sa mga businessman na tutugon sa panawagan niya
  • May ilang kundisyong hinihingi si Mayor Isko kapalit ng tax exemption

 Ang Escolta ay isang kalsada na matatagpuan sa Binondo, Maynila malapit sa Ilog Pasig. Isa iyon sa pinakamatandang kalsada sa bansa na ginawa noon pang 1594.

Imahe mula sa Cebu Pacific

Bago matapos ang 19th century ay umunlad ang kalakalan sa Escolta at nagsulputan ang mga nagtataasang gusali kaya ito ang naging pangunahing commercial district ng Maynila hanggang magsimulang tumamlay ang lugar simula noong 1960s dahil ang sentro ng kalakalan ay unti-unting nalipat sa Makati.

Sa pagnanais na muling buhayin at pasiglahin ang komersyo sa Escolta ay hinihikayat ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga negosyante na mamuhunan sa lugar. Sa isang business forum na ginawa sa Taguig City, hinimok ng alkalde ang mga businessmen na bumili ng lupa sa Escolta at magpatayo ng mga bagong building upang mapalitan ang mga lumang gusali doon.

Ang pangako niya sa mga negosyanteng tutugon sa kanyang panawagan ay hindi papatawan ng buwis sa loob ng 15 years. Pero may hininging kundisyon ang alkalde.

Ibibigay lang ang tax exemption kung ang gusaling ipatatayo ay hindi bababa sa dalawampung palapag at 70 porsyento ng mga kukuning empleyado ay mga residente ng Maynila.

Imahe mula sa Manila PIO

“‘Yan ang aking personal request, kung magtatayo ng branch, kung magtatayo ng franchise, magtatayo ng development, ang pakiusap ko at the very least, 70 percent ng i-hire nilang empleyado ay taga-lungsod ng Maynila. I was asked why, because what I believe personally, this is one way of reducing criminality in the city of Manila,” paliwanag niya.

“Naturally, crimes will die because merong kabuhayan ang tao. ‘Yun ‘yung initial effect ng pagpaparaya namin,” dagdag pa ng alkalde.

Na-excite naman ang mga negosyante sa “out-of-the-box” na offer ng alkalde.

“Compared to other cities, I have never heard of such an offer. We are excited. It is out-of-the-box,” sabi ni Philippine Chamber of Commerce & Industry (PCCI) President George Barcelon.

Sabi pa niya, madaling makumbinsi ang mga PCCI members na kagatin ang alok ni Mayor Isko, pero kailangan daw muna nilang makita ang overall plan ng alkalde.

Source :

ABS-CBN, DWIZ