Masuwerteng Pinay nanalo ng premyong katumbas ng P142 million sa Abu Dhabi raffle

  • Isang napakasuwerteng Pinay ang nanalo ng 10 million Dirhams sa Big Ticket Raffle sa Abu Dhabi
  • Ang premyo ay katumbas ng P142 million
  • Isa pang Pilipino ang nanalo naman ng 50,000 Dirhams sa naturang raffle draw

Isang napakalaking suwerte ang dumating sa buhay ng isang Pinay na naninirahan sa Dubai nang siya ang pinalad na manalo ng grand prize sa Big Ticket Abu Dhabi raffle na nagkakahalaga ng 10 million Dirhams o katumbas ng P142 million.

Imahe mula sa Big Ticket Abu Dhabi

Kinilala ang masuwerteng Pinay na si Marelie David na 20 taon nang naninirahan sa Dubai kapiling ang kanyang pamilya.

Ginanap ang monthly raffle draw ng Big Ticket sa Abu Dhabi International Airport noong Martes, ika-3 ng Setyembre.

Para sa 10 million Dirhams Grand Prize ay nabunot ang ticket number na 172193 kung saan nakasulat din ang pangalan ni Marelie at ang bansang pinagmulan – Philippines. Halos hindi makapaniwala ang Pinay nang tawagan siya sa telepono upang ipaalam na siya ang nanalo ng grand prize.

“I think you are not teasing me because people call and tease about such prizes,” sabi niya sa kausap sa telepono na kinilalang si Richard, ang Big Ticket Raffle host.

“Thank you so much. This is a big blessing. Timing is perfect…it’s going to be December soon,” sabi pa ng masuwerteng Pilipina na ugali nang sumali sa nasabing raffle kada buwan.

Isiniwalat ni Marelie na sampu silang magkakaibigan na naghati-hati sa pagbili ng raffle ticket kaya maghahati-hati rin sila sa premyo. Bawat isa sa kanila ay nanalo ng 1 million Dirhams.

Imahe mula sa Big Ticket Abu Dhabi

Plano niyang magpatayo ng bahay para sa nag-iisang anak na mag-o-onse anyos na ngayong buwan. Gusto rin niyang makatulong sa pagpapatayo ng simbahan sa bayang pinagmulan – sa Pasig City, Metro Manila.

Isa pang Pilipino ang nanalo sa ginanap na raffle draw. Kinilala siya bilang si Lamberto E. Corpus, Jr. na nanalo naman ng 50,000 Dirhams o katumbas ng P710,000.