Mahigit 400 na menor de edad dinampot dahil sa paglabag ng curfew sa Maynila

  • Mahigit 400 na menor de edad lumabag sa unang araw ng mas pinaigting na curfew sa Maynila
  • Ang mga batang sinundo ng mga magulang ay pinauwi ng mga awtoridad
  • Ang mga batang walang sundo ay dadalhin sa Manila Youth Reception and Action Center

Umabot sa mahigit apatnaraang menor de edad ang dinampot ng mga pulis at barangay tanod sa iba’t ibang bahagi ng Lungsod ng Maynila sa unang araw ng pagpapatupad ng mas pinaigting na curfew.

Screenshot mula sa video ng UNTV

Sa ilalim ng City Ordinance No. 8547 ay mahigpit na ipinagbabawal para sa mga batang may edad 17 pababa ang paggala sa mga lansangan at iba pang pampublikong lugar  mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.

Ang operasyon na isinagawa ng mga awtoridad na sinimulan Lunes ng gabi, ika-2 ng Setyembre, at natapos Martes ng umaga, ika-3 ng Setyembre, ay bilang pagtalima sa kautusan ni Manila Mayor Isko Moreno na paigtingin ang pagpapatupad sa naturang ordinansa.

Inatasan ng alkalde ang pulisya, lahat ng Punong Barangay at ang Manila Social Welfare Department na magsumite ng weekly report hinggil sa implementasyon ng curfew.

Ang mga magulang ng mga batang mahuhuling lumalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng hanggang P5,000 at maaari pang makaloboso ng hanggang anim na buwan.

Sa accomplishment report na isinumite ng Manila P0lice District, umabot sa 435 ang bilang ng mga kabataang babae at lalaki na naaktuhang nasa lansangan sa oras ng curfew.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sinabi ni MPD Raxabago-Tondo P0lice Station 1 Commander Lt. Col. Reynaldo Magdaluyo na ang mga menor de edad na susunduin ng mga magulang na magpapakita ng kaukulang dokumento ng pagkakakilanlan ay pauuwiin at ang mga walang sundo ay dadalhin sa Manila Youth Reception and Action Center.

“Ang iniiwasan natin dito, ang mga menor de edad, mapahamak sa mga ganoong oras. ‘Di ba? Kung ikaw nagmamahal ka sa anak mo, hindi mo uutusan lumabas siya nang ganoong oras na dis-oras ng gabi,” ani Lt. Col. Magdaluyo.

Screenshot mula sa video ng UNTV

Sa una at ikalawang pagkakataon na paglabag sa ordinansa ay hindi muna magpapataw ng parusa ang awtoridad laban sa mga magulang ng mga bata, subalit kapag umulit pa ay pagmumultahin na sila at ipipiit.

Imahe mula sa Manila PIO

 

Source :

UNTV, ABS-CBN