Kasunduan ng AFP at 3rd telco na magtayo ng telco towers sa military camps nakababahala – Sen. Kiko Pangilinan

  • Kiko Pangilinan may babala sa pinirmahang kasunduan ng AFP at 3rd telco
  • Sa ilalim ng kasunduan, ang 3rd telco na Dito Telecommunity ay papayagang magtayo ng telco towers sa mga military camps
  • Pinangangambahan ni Sen. Kiko Pangilinan na magamit ng China sa pag-eespiya ang pasilidad ng 3rd telco

Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa pinirmahang kasunduan sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines at ng 3rd telecommunications company (telco) sa bansa na Dito Telecommunity Corp. na dating kilala bilang Mislatel.

Imahe mula sa Facebook page ng Dito Telecommunity Corp.

Sa ilalim ng kasunduan na pinirmahan ni Maj. Gen. Adrian Sanchez Jr., AFP Deputy Chief of Staff for Communications, Electronics, and Information Systems, at Atty. Adel Tamano, ang chief administrative officer ng Dito, ay papayagan ng AFP ang Dito na makapagpatayo ng  mga telco towers sa loob ng mga military bases sa bansa.

Maaari raw na magamit sa pag-eespiya sa bansa ang telco facilities na itatayo sa mga military camps. Malaki raw ang posibilidad na gamitin ng 3rd telco para mag-espiya ang dalawang batas na ipinaiiral sa China, babala ni Sen. Pangilinan.

“There is a national security concern. Alam mong merong batas, dalawang batas ang China, iyong National Intelligence Law of 2017, at iyong Counter-Espionage Law of 2014. And in both laws, sinasabi ng mga batas nila, na ang organizations — private organizations and citizens –should cooperate in gathering of intelligence information by the state,” pagsisiwalat ng senador.

Ang Dito Telecommunity ay isang consortium na binubuo ng Udenna Corporation at subsidiary nitong Chelsea Logistics Corporation at ng China Telecom.

Imahe mula sa PNA

“China Telecom is an organization. It is a Chinese company. What if the Chinese government says, ‘Oh, meron kayong access diyan. You are mandated to turn over information to us because we have the Counter-Espionage Law and we have the National Intelligence Law,’” paliwanag ni Senator Pangilinan.

Pinangangambahan ng mambabatas na gamitin ng Chinese government ang anumang information na makukuha at dumaraan sa system ng 3rd telco upang isulong ang kanilang interes.

Screenshot mula sa video ng ANC