Jimuel “Pacboy” Pacquiao nakatikim ng unang talo

  • Jimuel “Pacboy” Pacquiao nabahiran ng unang talo ang kanyang amateur boxing career
  • Dinaig ng 15 anyos na si Ken Danila si Jimuel via split decision
  • Aminado si Jimuel na nahirapan siya sa laban nila ni Ken

Matapos ang apat na sunud-sunod na panalo sa kanyang batang-batang amateur boxing career ay nakalasap ng unang pagkabigo ang panganay na anak ni Pambansang Kamao Manny Pacquiao na si Jimuel mula sa kamay ni Ken Danila ng Imus, Cavite.

Imahe mula sa Facebook account ni Aga Danila

Ginanap ang 3-round friendly boxing match ni Jimuel at Ken sa event na tinawag na “To Beat or Not To Beat” sa Johnny Bravo Boxing Gym sa Novaliches, Quezon City kung saan natalo si Pacboy via split decision.

Naging agresibo pa umano ang batang Pacquiao sa laban at ginamit ang paboritong galaw na 1-2 punch combination, pero mabilis naman na  nasasagot ni Danila ang mga suntok na pinakawalan niya.

Sa isang panayam ay sinabi ni Jimuel na talagang mas maraming boxing experience kaysa sa kanya si Ken kaya naman nahirapan siyang maipanalo ang laban.

Hindi naman nabahala si Jimuel sa unang talo na natikman at sinabing ipagpapatuloy niya ang pagboboksing at muling aakyat sa boxing ring.

“Tuloy pa rin po ako sa boxing,” pahayag ng 18-anyos na si Pacboy.

Sinabi naman ng 15-anyos na si Ken na tumaas ang kanyang kumpiyansa matapos niyang magapi ang anak ni Manny Pacquiao.

Imahe mula sa Facebook account ni Aga Danila

Mayroon na siya ngayong boxing record na 3-0. Plano umano niyang maging isang professional boxer at maging isang world champion tulad ng kanyang idolo na walang iba kundi ang ama ni Jimuel.

“Gusto ko pong maging world champion at magpo-pro po ako. Tatlong buwang pa lang po akong nagboboksing,” sabi ni Ken ng Imus National High School.