HPG, MMDA inatasan ng Pangulo na tulungan ang mga ambulansyang naiipit sa mabigat na trapiko

  • HPG at MMDA inatasan ni Pangulong Duterte na alalayan ang mga ambulansyang naiipit sa trapiko
  • Ang kautusan ay bunsod ng ulat na maraming pasyente ang hindi na umaabot nang buhay sa pagamutan dahil naipit sa trapiko ang ambulansya
  • Sinabi ng MMDA na handa silang umalalay sa mga ambulansya

Obligasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at ng Highway Patrol Group  (HPG) ng Philippine National Police na alalayan at tulungan ang mga ambulansya na maiipit sa matinding trapiko sa Metro Manila upang masagip ang buhay.

Imahe mula sa PCOO

Ang kautusan ay sinabi ng Pangulo sa isang panayam sa kanya ng mga mamamahayag.

“Maybe I will ask all itong, lahat na, Metro Manila…(MMDA), Highway Patrol, ‘pag may emergency… ‘Pag may nakikitang siren, itabi nila para makalusot. Maybe that will be mandatory for them,” anang Pangulo.

Ang pahayag ng Pangulong Duterte ay kasunod ng napaulat na hinaing ng mga ambulance drivers at medics na madalas umanong mangyari na hindi na umaabot nang buhay sa ospital ang dala nilang pasyente dahil sa tindi ng trapiko.

“Must hila. Duty bound to hila,” ang order ng Pangulo sa dalawang ahensya na itinatalaga na magmando ng trapiko sa Metro Manila, lalo na sa kahabaan ng EDSA.

Bunsod na rin ng dumaraming kaso ng mga pasyenteng hindi nakararating sa ospital sa takdang oras dahil sa malalang trapiko ay iminungkahi ni Presidental Spokesperson ang paggamit ng helicopter bilang ambulansya.

Bilang tugon sa kautusan ng Pangulo, sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim na maaaring makipag-coordinate sa kanila “in advance” ang mga ospital at private ambulance service providers o kaya naman ay lapitan ang kanilang traffic enforcers sa lansangan upang humingi ng ayuda sa oras ng emergency.

Screenshot mula sa video ng ABS_CBN

Ani Lim, handa ang ahensya na bigyan ng escort ang ambulansya na naipit sa trapiko upang matulungan na makarating sa pagamutan ang pasyente.

Source :

PNA, Tribune