Gilas Pilipinas dapat pa ring hangaan dahil sa “grit and passion” sa kabila ng pagkatalo – Palasyo

  • Gilas Pilipinas talo sa Italy
  • Sinabi ng Malacañang Palace na kahit hindi nagwagi ay dapat pa ring hangaan ang Team Pilipinas dahil sa ipinakitang “grit and passion”
  • Kailangang maipanalo ng Gilas Pilipinas ang susunod na laban upang makapasok sa next round

Bigong maipanalo ng Gilas Pilipinas, ang Philippine national men’s basketball team, ang unang laban nila sa FIBA World Cup 2019 na ginanap sa Foshan, China noong ika-31 ng Agosto. Pinataob sila ng powerhouse ng Italy sa score na 108-62.

Imahe mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas

Aminado si coach Yeng Guiao na underdog ang Gilas Pilipinas sa naturang laban, pero hindi nila inaasahan na tatambakan sila ng kalaban.

“If we’re going to lose, we just need to play decent basketball,” aniya.

Samantala, sa kabila ng pagkatalo ay sinabi ng Malacañang Palace na karapat-dapat pa ring hangaan ang Team Pilipinas dahil sa ipinakitang “grit and passion” sa laban nito kontra sa Italy na pinangunahan ng dalawang NBA players na sina Marco Belinelli and Danilo Gallinari.

“In the end we were outplayed and outscored but not without displaying some flashes of brilliance, although few and far between,” pahayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo.

Aniya, hindi naman palaging ang panalo ang mahalaga kundi kung paano nilaro ang isang game.

“It’s not always the winning that counts, it’s how the game is played. Our Filipino players played with grit and passion. And for that they deserve our admiration.”

Imahe mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas

Kinumpirma rin ni Panelo na nanood si Pangulong Rodrigo Duterte sa laban  ng Gilas Pilipinas. Personal pang pinuntahan ng Pangulo ang team sa locker room nila bago magsimula ang laro upang magbigay ng moral support.

“We are here to give you the spirit to fight, kaya natin ‘to. Basta ako, para sa inyo, ‘andito ako,” anang Pangulo.

Susunod na makakalaban ng Gilas Pilipinas ang Serbia, ang koponan na pangungunahan ng apat na NBA players, na inaasahan ng marami na makakaagaw ng World Cup title na kasalukuyang hawak ng team USA.

Imahe mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas

Kailangang maipanalo ng Team Pilipinas ang larong ito, na gaganapin sa Lunes, ika-2 ng Setyembre, para makapasok sa next round.