Barangay Ginebra coach Tim Cone napiling mag-coach sa Gilas Pilipinas sa SEA Games 2019

  • Barangay Ginebra coach Tim Cone napiling coach ng Gilas Pilipinas para sa SEA Games 2019
  • Sinabi ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na tinanggap na ni coach Tim Cone ang head coaching position para sa Gilas Pilipinas
  • Ang SEA Games ay gaganapin sa bansa mula November 30 hanggang December 11, 2019

Kasunod ng pagbibitiw ni Yeng Guiao bilang head coach ng Gilas Pilipinas matapos ang winless campaign ng koponan sa FIBA World Cup 2019, si Earl Timothy “Tim” Cone ang napiling pumalit bilang mentor ng Philippine’s men’s national basketball team.

Public domain image

Si Tim Cone ang head coach ng napakapopular na koponan sa Philippine Basketball Association (PBA) na Barangay Ginebra San Miguel.

Hawak ni Coach Tim ang record ng pinakamaraming championship titles sa PBA – 21 Championships lahat – kaya naman ang pangalan niya ang nanguna sa short list ng mga kandidato para pumalit kay Yeng Guiao bilang head coach ng Gilas Pilipinas.

Noong ika-23 ng Setyembre, ay inanunsyo ni Al Panlilio, presidente ng Samahang Basketbol ng Pilipinas, na tinanggap na ni Tim Cone ang alok na maging head coach ng Gilas Pilipinas para sa upcoming South East Asian (SEA) Games na gaganapin sa bansa simula sa November 30 hanggang December 11 ng kaslukuyang taon.

“I’m very happy to announce that coach Tim has officially accepted the role as head coach for Gilas Pilipinas men in the upcoming SEA Games,” pahayag ni Al Panlilio.

Imahe mula sa Samahang Basketbol ng Pilipinas

Ang pagtanggap ni Tim Cone sa posisyon ay hudyat raw na dapat nang simulan ang preparasyon ng Gilas Pilipinas para sa SEA Games dahil ang ibang bansang kalahok tulad ng Indonesia ay nagsimula na sa kanilang paghahanda.

Nilinaw ni Panlilio na ang assignment ni Tim Cone ay para lang sa SEA Games. Ang preparasyon para sa 2023 Olympics ay kasalukuyan pa lang na pinaplano.

Ikinalugod ni Tim Cone ang pagkakahirang sa kanya bilang head coach ng men’s national team kahit na temporary replacement lang siya. Excited na raw siyang simulan ang paggiya sa koponan.

Imahe mula sa SBP

“Even though my appointment is just a stop gap measure and a short term commitment, I am incredibly honored and proud to be selected to coach in the SEA Games. Wow! I’m very happy to help in any way,” ani coach Tim Cone.

Si Cone ay dati nang nag-coach ng national basketball team noong 1998 Asian Games kung saan nasungkit niya ang bronze. Sa parating na SEA Games 2019, target ni coach Tim na makuha ang gold.