50,000 kumpiskadong driver’s license hindi na tinutubos sa Manila Traffic & Parking Bureau

  • Mga kumpiskadong driver’s license na hindi na tinutubos sa MTPB umabot na sa 50,000
  • Naipon ang maraming lisensya noon simula pa noong 2004
  • Inamin ng MTPB na hindi konektado sa sistema ng LTO ang Lungsod ng Maynila

Aabot sa 50,000 driver’s license na kinumpiska ng awtoridad dahil sa iba-ibang traffic violations ang kasalukuyang nakatengga sa opisina ng Manila Traffic & Parking Bureau (MTPB) sa Lungsod ng Maynila.

Imahe mula sa MTPB

Sa panayam kay MTPB head Dennis Viaje, napag-alaman na ang mga naipong unclaimed driver’s license ay simula pa noong taong 2004 hanggang 2014.

Paliwanag ni Viaje, ang mga driver na nakumpiskahan ng lisensya ay umiiwas na magbayad ng malaking penalty kaya sa halip na tubusin ay nagpapagawa na lang ng affidavit of loss at saka mag-aapply para sa panibagong driver’s license.

Hindi umano nade-detect ng Land Transportation Office (LTO) ang violation ng mga driver’s license na nasa MTPB dahil hindi konektado ang Lungsod ng Maynila sa computer system ng ahensya.

“Kaya po nangyayari ‘yan kasi po ang Lungsod ng Maynila hindi po nakapasok sa sistema ng LTO. Kaya po ang ginagawa ng iba kapag malaki ang penalty ay nag-a-affidavit of loss na lang sila,” paliwanag ni Viaje.

Inamin ni Viaje na may pagkukulang ang MTPB kaya ganoon ang nangyari, pero sinabi niya na kamakailan lang ay nakipagkasunduan na si Manila Mayor Isko Moreno sa LTO na i-upload na sa computer system ng ahensya ang mga naturang driver’s license na sisimulan sa pagpasok ng susunod na taong 2020.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sinabi pa ni Viaje na may pagkakataon pa ang mga may-ari na tubusin ang nakumpiska nilang driver’s license.

May amnesty program naman ang alkalde sa kanila kaya maaari na nilang kunin ang lisensya nang walang karagdagang multa.

Sa oras na maipasok na sa sistema ng LTO ang mga confiscated driver’s license ay makikita na ang kanilang  violations at hindi sila makapagre-renew ng lisensya hangga’t hindi nagbabayad ng penalty.

Hinikayat ni Viaje ang mga tsuper na nakumpiskahan ng lisensya sa Maynila na tubusin na nila ang mga iyon para maiwasang magmulta ng malaki sa LTO sa susunod na taon.

Source :

YouTube, ABS-CBN