MTPB enforcer na nakikipag-areglo sa bus driver, on the spot na sinisante ni Mayor Isko sa kalye

  • MTPB enforcer na nakikipag-areglo sa lumabag na bus driver sinisante ni Mayor Isko
  • Nahuli ang enforcer sa aktong nakikipag-areglo sa driver sa loob mismo ng bus
  • Pulis na nakatalaga sa Lawton, binalaan ni Mayor dahil sa illegal parking sa lugar 

Nahuli ni  Mayor Isko Moreno ang isang enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nakikipag-areglo sa isang bus driver na may nagawang paglabag sa batas-trapiko at on the spot na sinibak niya ito sa trabaho.

Screenshot mula sa video ni Mayor Isko Moreno

Napag-alaman na walang driver’s license ang bus driver at naaktuhan na ilegal na nagpapasakay ng mga pasahero sa bahagi ng Lawton sa tapat ng Bonifacio Shrine.

Agad na kinompronta ng alkalde ang MTPB enforcer at inalam kung ano ang ginagawa nito sa loob ng bus. Nangatwiran pa ang enforcer na tinutulungan lang daw niya ang bus driver.

“Ito nakikipag-usap, humihingi raw ng tulong ang driver. Ano ang aregluhan dito?” sabi ni Mayor Isko.

Habang kinukompronta ang MTPB enforcer, napansin ni Mayor Isko na may ilang sasakyan na ilegal na nakaparada sa isang parke sa lugar at agad niya iyong pinuntahan at ipinatawag ang pulis na nakatalaga sa lugar.

Kinakausap ni Mayor ang pulis na nakatalaga sa Lawton nang mapansin niya na umalis ang bus na nauna na nilang sinita, kaya ipinag-utos niyang habulin iyon at pabalikin.

Nangangatwiran pa ang enforcer na iisyuhan na sana niya ng violation ticket ang bus nang bigla iyong umalis.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno

“Titikitan ko nga sana, eh,” sabi ng enforcer na sinagot naman ng alkalde ng “Ano? Anong titikitan mo kanina ka pa nga nasa loob (ng bus) eh.”

Nalaman ng alkalde na pinaalis ng enforcer ang bus kaya on the spot ay sinisante niya ito.

“O, pahinga ka na. Kunin mo na ID nito. Pahinga na ‘yan,” galit na utos ni Mayor.

Matapos sisantihin ang enforcer ay binalikan ni Mayor Isko ang mga sasakyang ilegal na nakaparada at iniutos na ma-impound ang mga iyon. Nagbigay din siya ng warning sa pulis na nakatalaga sa lugar.

“Last warning mo na ‘to, ha. Ito park, hindi parking. Last warning mo na ‘to, ha,” babala ni mayor sa pulis.

Imahe mula kay Mayor Isko Moreno