Mayor Isko tinupad ang pangakong tatapyasan ng hanggang 40% ang real property tax sa Maynila

  • Isa sa mga pangako ni Mayor Isko na bawasan ang property tax sa Maynila
  • Noong August 22, 2019 ay tinupad niya ang pangako sa pagpirma ng City Ordinance No. 8567
  • Magiging epektibo ang ordinansa sa January 1, 2020.

 

Noong Huwebes, ika-22 ng Agosto, ay tinupad ni Mayor Isko Moreno ang isa sa kanyang mga campaign promises na ibaba ang real property tax na binabayaran ng mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagpirma sa City Ordinance No. 8567.

Imahe mula sa Manila PIO

Batay sa nasabing ordinansa na magiging epektibo sa January 1, 2020, ang real property tax o amilyar na binabayaran ng mga Manilenyo ay matatapyasan ng hanggang 40% sa loob ng tatlong taon o kasabay ng pagtatapos ng termino ni Mayor Isko bilang alkalde ng lungsod.

Sa unang taon, 2020, ay 20% ang ibabawas sa amelyar, susundan ito ng 10% sa 2021 at isa pang 10% bawas sa taong 2022.

Maliit man o malaki, pribado man o commercial ang lote ay pantay-pantay na makikinabang sa bagong ordinansa.

“Maliliit na lote na pag-aari ng ordinaryong taga-lungsod o commercial complex, lahat pantay-pantay. Makararamdam kayo ng konting kagaangan,” anang alkalde.

Bukod sa layuning pagaanin ang katayuan ng mga residente ng Maynila, target din ng naturang ordinansa na makahikayat ng mas marami pang mga negosyante na mamuhunan sa lungsod na inaasahan na makapagpapataas ng revenue collections ng city government.

Imahe mula sa Manila PIO

Isiniwalat pa ni Mayor Isko na bukod sa City Ordinance No. 8567 ay may isa pang ordinansa na nauna na niyang pinirmahan. Ito ang City Ordinance 8566 na nagbibigay ng general amnesty sa mga may pagkakautang sa business taxes, real property taxes, regulatory fees at iba pang service charges.

Aniya, ang mga utang ay pinatawan noon ng mga interes at surcharges kaya lalong nahirapang magbayad ang mga residente dahil lumobo ang halaga ng dapat nilang bayaran.

Imahe mula sa Manila PIO

Sa pamamagitan ng amnesty ay inalis ni Mayor Isko ang mga interest at surcharges na ipinataw. Binigyan din ng mahabang panahon ang mga may utang para makapagbayad. Binigyan sila ng hanggang sa December 31, 2019 upang bayaran ang obligasyon.

“We in the city government want to give you ease or a chance to recover, all citizens of Manila, not to pay anymore penalties, surcharges and interests,” aniya.