5-minute travel mula Cubao hanggang Makati puwede pero hindi sa EDSA dadaan

  • 5-minute travel time mula Cubao hanggang Makati posible pero hindi sa EDSA dadaan
  • May mga ginagawang proyekto ang gobyerno para mabigyan ng alternatibong madaraanan ang mga motorista
  • Layunin ng mga proyekto na mabawasan ang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa EDSA

Posible ang limang minutong biyahe mula Cubao sa Quezon City hanggang sa Makati City pero hindi sa EDSA dadaan ang mga sasakyan katulad ng iniisip ng marami.

Imahe mula sa DZRH

Ito ang isiniwalat ni “Build, Build, Build” inter-agency Committee chairman na si Anna Mae Yu Lamentillo.

Matatandaan na noong buwan ng Hunyo ay inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Disyembre ng taong kasalukuyan ay magiging limang minuto na lang ang itatagal ng biyahe mula Cubao hanggang Makati.

“You don’t have to worry about traffic… Cubao and Makati will be about five minutes na lang. You just wait. Ayaw kong mag-ano but things will improve… maybe God willing, December smooth sailing na,” sinabi noon ni Pangulong Duterte.

Dahil sa pahayag na iyon ng Pangulo, marami ang nag-akala na ang Cubao hanggang Makati na binanggit niya ay sa EDSA dadaan. Katunayan, sinubukan ng Highway Patrol Group ng Philippine National Police at ni Bong Nebrija ng Metropolitan Manila Development Authority kung possible nga ang 5-minute travel time sa nabanggit na mga lugar.

Nilinaw ni Lamentillo na hindi kailangang dumaan sa EDSA para makuha ang minimithing limang minutong biyahe mula Cubao hanggang Makati.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ayon sa GMA, sinabi umano ni Lamentillo na hindi sa EDSA dadaan ang mga sasakyan para makamit ang 5-minute travel time mula Cubao patungong Makati.

“It is not going to pass through EDSA… iyong 5 minutes po na iyon, there will be a new road network for that Skyway Stage 3,”

“Kaya po siya doable. We will substantially complete the Skyway Stage 3 by this year. We are working towards the 5-minute challenge,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Mark Villar

Marami raw proyektong ginagawa ang gobyerno na ang layunin ay mabigyan ng mga alternatibong daan ang mga motorista at mabawasan ang bilang ng mga saskyang dumaraan sa EDSA.

Hindi na nagbigay ng iba pang detalye si Lamentillo upang hindi umano ma-pre-empt ang official announcement.