Simpleng handa ng kuya para sa kaarawan ni bunso, umantig sa maraming puso

  • Naantig ang puso ng netizens sa simpleng handa ng isang lalaki para sa kaarawan ng kanyang kapatid
  • Hindi naibigay ng Facebook user na si Darryne ang regalong gusto ng bata dahil kinapos ito sa pera
  • Ngunit kahit salat ay pinilit nitong maghanda para sa espesyal na araw sa buhay ng kanyang kapatid

Anu-anong klase ng pagkain ba ang dapat na nasa hapag-kainan para maituring na handaan ang isang pagsasalo-salo? Cake? Ice cream? Spaghetti? O mga pagkaing hindi mo makakain sa ordinaryong araw?

Imahe mula sa Pixabay

Sa Facebook, naantig ang marami sa mga pagkaing inihanda ni Darryne; isang nakatatandang kapatid na kinapos sa pera kaya hindi niya umano nagawang bilhin ang regalong gusto ng kanyang mahal na kapatid na nagdiwang ng ikaanim nitong kaarawan kamakailan.

Sa kabila kasi ng pagiging salat sa pera, hindi pa rin natinag ang mapagmahal na kuya sa hangarin nitong magawang espesyal ang nasabing okasyon. Naghanda pa ito ng pagkain sa abot ng kanyang makakaya.

“Happy birthday, Bunso! Nyahahaha ‘di ko nabili gusto mo. ‘Yan lang kaya ko,” aniya sa caption ng ini-upload na litrato.

Makikita sa larawan ang isang payak ngunit masayang selebrasyon. Ang mga nasa hapag ay isang pinggang litsong manok, at ilang pirasong hamburgers at hotdog sandwiches. Hawak naman ng magkapatid ang mga papel na sinulatan ng 0 at 6–malayo sa nasa usong lobo na hugis numero — at wala ni isang dekorasyon, ngunit naging pinakamagagandang palamuti ang mga ngiti ng dalawa, lalo na ang sa bata na halatang excited sa natanggap na sorpresa.

Marami ang naantig sa salo-salong inihanda ni Darryne para sa bunsong kapatid. As of posting, nakakuha na ito ng mahigit 18,000 comments, lampas 46,000 shares, at 183,000 reactions. Binuksan din nito ang isipan ng netizens tungkol sa kahalagahan ng pamilya at ng mga maliliit na bagay na hindi matutumbasan ng pera ngunit labis na tuwa ang dala.

Imahe mula sa Facebook account ni Darryne

Anu-anong klase nga ba pagkain ba ang dapat nasa hapag-kainan para maituring na handaan ang isang pagsasalo-salo? Cake? Ice cream? Spaghetti? O mga pagkaing hindi mo makakain sa ordinaryong araw?

Pinatunayan ng nakatatandang kapatid na si Darryne na hindi lamang ang mga pinakamasasarap at pinakamahal na pagkain ang nasa likod ng isang masayang handaan. Sa inihanda niyang salo-salo para kay “Bunso”, namulat ang marami sa katotohanang anumang pagkain sa mesa ay magiging espesyal kung inihain ito ng isang pusong totoong nagmamahal.

Source :

Facebook