BSP maglalabas ng blind-friendly peso bills

  • Maglalabas ng bagong peso bills ang BSP
  • Sa first quarter ng 2020 ilalabas ang New Generation banknotes
  • Blind-friendly ang mga bagong peso bills na ilalabas

Inanunsyo ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na ang napipintong pagbabago sa mga peso bills ay isang magandang balita para sa partikular na grupo ng mga mamamayan na makikinabang sa nasabing pagbabago – ang mga matatanda at visually-impaired.

Imahe mula sa Wikipedia

Ang mga New Generation banknotes na ilalabas sa first quarter ng taong 2020 ay magkakaroon ng karagdagang security features na makatutulong sa mga bulag at may malalabong paningin.

Ang ilalabas na mga peso bills, ani Diokno, ang kauna-unahang perang papel na ang pagkakaiba-iba ng denominasyon ay madaling makikilala ng mga taong walang paningin – isang bagay na imposible nilang magawa dahil ang banknotes natin sa ngayon ay may pare-parehong “size, shape at feel.”

Sa kasalukuyan, imposible para sa mga bulag na makilala at mabilang ang pera nang walang tulong mula sa ibang tao.

Ang mga bagong peso bills ay may “tactile marks” o mga detalye na maaaring makilala sa pamamagitan ng pagsalat o paghipo.

“The upgraded security thread and anti-copying and anti-scanning features will improve counterfeit deterrence. While the incorporation of tactile marks is meant for the elderly and visually impaired and is part of our commitment to promote broad and convenient access to high-quality financial services to the Filipino people,” sabi ni Diokno.

Isang bulag na masahista na nakapanayam ng media ang nagsabi na inaabangan na niya ang paglabas ng bagong peso bills.

Imahe mula sa BSP

Ani Raquel Java, na nawalan ng paningin simula noong walong taong gulang pa lang siya, nahihirapan siyang matukoy ang iba-ibang denominasyon ng peso bills.

Aniya, posibleng nakapagbabayad siya ng sobra sa mga bagay na binili o kaya naman ay kulang ang ibinabayad sa serbisyo niya bilang masahista dahil hindi niya nakikita ang perang ibinibigay sa kanya.

Si Raquel ay isa lang sa napakaraming bulag na Pilipino na makikinabang sa bagong paper bills na ilulunsad ng BSP.

Imahe mula sa BSP