Paper dolls: Ang paboritong laruan ng mga batang babae noon

Bukod sa manyika at Chinese garter, isa sa mga bumuo sa kabataan ng mga batang babae noon ang paper dolls.

Imahe mula sa Facebook group na Alaala ng mga Larawang Kupas

Ang paper dolls ay mga laruang papel na itinatampok ang imahe ng mga kilalang artista at karakter; na maaari mong bihisan, lagyan ng sapatos at iba’t ibang accessories, pagbitbitin ng bag at iba pa. Maaaring sabihin na sa mga laruang ito unang natuto na pumorma ang mga batang babae noon.

May kasama ring stand ang bawat set na ititinda noon sa halagang P1 lamang. Pasok na pasok sa bulsa, para pang mga totoong manyika na puwede mong patayuin, gawing mga modelo, at i-display sa kuwarto mo.

Hay, ang sarap balikan ng simple at masasayang sandali ng paper dolls!

At dahil kakabit na ng mga laruang ito ang magagandang alaala ng pagkabata, hindi na nakagugulat na marami ang natuwa noong may member na nagbahagi nito sa Facebook group na Alaala ng mga Larawang Kupas.

“Naging laruan ng mga batang babae noon… paper dolls,” saad ni Vilma Yolanda Literato-Alcantara sa caption ng litratong ibinahagi niya sa group. Ilang beses na rin nai-post sa iba’t ibang social media platform ang larawan at lagi itong nagdadala ng nostalgia sa mga nakakakita, lalo sa “Batang 90s”.

Imahe mula sa Facebook group na Alaala ng mga Larawang Kupas

“Favorite kong paper doll dati is Sailor Moon,” ani D. Senobio.

“Sa ‘min no’n ginagamitan ng tansan para makakuha ng paper dolls. Hahaha marami ako niyan noon ‘pag nananalo,” pagbabahagi ni B. Olleres.

“‘Yong dalawa kong anak na babae ‘yan ang mga laruan,” kuwento ni C. Ilano.

Samantala, kahit karamihan ng mga naglalaro ng paper dolls ay mga babae, mayroon din naman daw kalalakihang naglalaro nito dahil may ilang mga karakter din naman na lalaki.

“Naging laruan ko din ‘yan kasi may boy din. Binibihisan sila ng damit,” komento ni B. Kagan.

Ikaw, nakapaglaro ka ba ng paper dolls? Ano ang pinakahindi mo makalilimutang alaala sa paglalaro nito?

Source :

Facebook