Kadiwa rolling stores bubuhayin ni Mayor-elect Isko Moreno

  • Kadiwa rolling stores ibabalik ni Mayor-elect Isko Moreno
  • Murang bilihin para sa mga Manilenyo ang hatid ng rolling stores na maglilibot sa buong siyudad
  • Ang Kadiwa rolling stores ay unang ipinakilala noong dekada sitenta sa panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos

Isa sa mga proyektong nais isulong ng bagong halal na alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay ang murang pagkain para sa mga maralita sa siyudad.

Anang Mayor-elect ng Maynila, plano niyang ibalik ang Kadiwa rolling stores kung saan maaaring bumili ang mga Manilenyo ng murang bigas, gulay, karne, isda at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan nang hindi na kailangang mamasahe upang magtungo sa palengke.

Ang mga rolling stores ay mag-iikot sa buong siyudad upang maihatid sa mga residente ang mga pangunahing bilihin sa murang halaga.

Imahe mula sa Journal

“Malaking tulong sa pamilyang Manilenyo na magkaroon uli tayo ng rolling stores tulad ng Kadiwa, dahil mura na, sariwa pa at komportable silang makakabili ng pagsasaluhan nila sa mesa,” ani Mayor Isko.

Ang mga Kadiwa Centers at rolling stores ay unang ipinakilala sa masang Pilipino noong panahon ni dating pangulong Ferdinand Marcos. Nagkaroon ito ng 252 stores sa buong bansa,subalit isinara ang mga iyon noong mapatalsik sa puwesto si Marcos.

Nauna nang inanunsiyo ng bagong alkalde ang plano niyang feeding program para sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Maynila.

Sa ilalim ng programa ang mga kindergarten hanggang Grade 6 pupils ay bibigyan ng nutribun at gatas.

Imahe mula sa bagong Lipunan

Ang nutribun ay isang uri ng tinapay na may masustansyang sangkap.

Bukod sa feeding program, may isa pang proyekto si Mayor Isko  para sa mga mag-aaral.

Nangako siya ng P1,000 monthly allowance para sa lahat ng mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila.

Libre na lang ‘yung pag-aaralan, pero to sustain ‘yung daily needs. So gusto ko pa rin siya i-stimulate. Sabi ko, sige para wala ka nang dahilan para hindi mag-aral, bigyan kita ng P1000,” pangako ni Mayor.

Ang mga nabanggit niyang programa ay maaari na umanong maipatupad sa taong 2020 kapag nagkaroon na ng fresh budget ang siyudad.