Tricycle driver hinangaan matapos isauli ang nawalang gamit ng dayuhang estudyante

Isang tricycle driver ang nagpamalas ng katapatan matapos niyang isauli ang napulot na bag habang nagpapasada sa Legazpi City, Albay.

Ayon sa ulat ng Unang Balita noong May 20, sinabi ng driver na si Ernesto Hernandez Jr. na bumibiyahe ito sa Barangay Pawa malapit sa istasyon ng pulisya nang makita niya ang isang bag sa gilid ng kalsada.

Hindi naman nagdalawang-isip ang driver na pulutin at dalhin ito sa police station upang hanapin ang nagmamay-ari ng gamit.

Image from Legazpi City PNP via GMA News

Sakto naman at naroon din sa istasyon ang naghahanap ng kaniyang nawawalang bag kaya naibalik agad ni Mang Enesto ang gamit sa may-ari nito.

Napag-alaman rin na isa palang estudyante at Indian national ang nagmamay-ari ng napulot na bag ni Mang Ernesto.

Bumuhos ang pasasalamat ng dayuhang estudyante sa tricycle driver na nagbalik ng nawala niyang bag na may lamang passport, relo, gadgets, at iba pang personal na gamit.

Image from Legazpi City PNP via GMA News

Hinangaan din ng mga netizens ang tricycle driver dahil sa pagiging matapat nito. Ayon pa sa ilan, dapat umanong tularan ng ibang driver sa bansa si Mang Ernesto.

“”Wow! God bless, Mang Ernesto. You have a good heart. Bihira ang mga ganiyang tao. Hanga po ako sa ’yo,” sabi ni RJ sa Facebook.

“Kahit anong hirap ng buhay kung ang pagiging honest ang nasa pagkatao mo hindi ka magdadalawang-isip para isauli ito,” ayon kay ESD.

“Pinatunayan lang talaga ni Kuya na may natitira pang mga Pinoy na tapat at hindi nasisilaw sa mamahaling gamit. Gob bless po Kuya at sa buong family mo,” sabi naman ni MHM.

Source :

GMA, Youtube