Traffic enforcer na nangaral sa mag-asawang motorcyle riders, hinangaan sa socmed

Viral ngayon sa social media ang video ng isang traffic enforcer habang pinapangaralan ang mag-asawa na walang suot na helmet habang bumibiyahe sakay ng kanilang motorsiklo.

In-upload ni Police Lieutenant Colonel Bonifacio Laqui Bosita sa Facebook ang video noong May 17.

Makikita rito na pinapaliwanagan niya ang mag-asawa tungkol sa maaring maging resulta ng kanilang pagsakay sa motorsiklo nang walang suot na proteksiyon sa ulo.

Imahe mula sa Facebook video ni Bonifacio Bosita

Nagbigay pa ito ng halimbawa para mas maintinidihan ng dalawa ang posibleng mangyari kung sakaling makatapat nila sa kalsada ang isang kaskaserong driver.

Tinanong pa nito kung may anak ang dalawa na kanila namang kinumpirma. Lalong ipinunto ni Colonel Bosita kung ano ang maaaring kalagyan ng kanilang mga anak kung sakaling may mangyaring masama sa kanilang mga magulang.

Ayon kay Colonel Bosita, ang pagiging ligtas sa kalsada ay hindi lang nakabase sa pag-iingat ng mga taong nagmamaneho.

I-click ang imahe para mapanood ang video

Dagdag pa niya, maraming driver na kaskasero sa daan kaya nais niyang magkaroon ng tiyansa ang mga motorcyle riders na proteksiyunan ang kanilang mga sarili kung sakaling magkaroon ng ‘di-inaasahang pangyayari sa daan.

Sinabi pa nito na siyam sa sampung motorcycle riders ang hindi nakaliligtas dahil sa hindi pagsusuot ng helmet.

Batid niya na maaaring magkaroon ng hinanakit ang iba dahil sa paninita ng traffic enforcers sa nagmamaneho ng motor na walang helmet ngunit ipinaliwanag nito ang dahilan ng kanilang istriktong pag-iimplementa ng naturang patakaran.

Imahe mula sa Facebook video ni Bonifacio Bosita

Sa huli ay pinababa ng lalaki ang kaniyang asawa at binigyan ng pamasahe para makauwi. Nakipag-kamay rin ito sa enforcer at humingi ng paumanhin dahil sa nagawang violation.

Marami naman ang humanga kay Colonel Bosita. Maliban sa pagbibigay nito ng komprehensibong mensahe ay nagpahayag rin ito ng malasakit para sa motorcycle riders.

Source :

Facebook