Test run ng Hybrid Electric Train na gawang Pinoy sinimulan na

Dumagsa ang mga pasahero sa Philippine National Railway Station sa Alabang noong Lunes, ika-6 ng Mayo, upang sumakay sa Hybrid Electric Train (HET) na gawa ng Department of Science and Technology-Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) sa unang araw ng isinagawang test run nito.

Libreng sakay ang alok ng PNR sa HET hanggang matapos ang 150 –hour validation test na inaasahang tatagal hanggang sa ika-23 ng Mayo.

Ayon kay Engineer Pablo Acuin, HET development project leader, tagumpay ang unang araw ng test run ng HET at inaasahang kaya nitong kumpletuhin ang 150-hour validation requirement.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ang HET ay ginawa partikular para sa PNR, ngunit kapag naging tagumpay ang proyekto ay posibleng ialok ito sa Metro Rail Transit at Light Rail transit.

Magiging mas madali ang maintenance ng HET dahil hindi na kailangan pang kumuha ng mga eksperto mula sa ibang bansa.

“So, kapag nagkaproblema ay kaya na po nating gawin. At locally-sourced na ang mga components kaya mas mabilis nating mapapalitan, “ sabi ni Acuin.

Sa video ng ABS-CBN, ang bawat bagon ng HET ay may telebisyon at CCTV camera. Ang mga controls na ginagamit sa pagpapatakbo ng tren ay malayung-malayo umano sa mga teknolohiyang ginagamit ng mga PNR trains ngayon.

Kaya nitong magsakay ng hanggang 880 passengers kada biyahe.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa kasalukuyan, ang mga PNR trains na bumibiyahe ay mga luma na. Donasyon iyon ng Japan sampung taon na ang nakalilipas. Nagamit na ang mga tren ng dalawampung taon bago ibinigay sa Pilipinas, ayon kay MRDC director engineer Robert Dizon. 

Ayon sa PNR, problema nila  ang kakulangan ng tren. Sa ngayon ay siyam na tren lang ang tumatakbo na nakapagsasakay lang ng hanggang 50,000 na pasahero mula sa 200,000 na pasahero na na kailangang maserbisyuhan sa araw-araw.

Source :

ABS-CBN, Philstar