Mandatory ROTC para sa Senior High School, aprubado na sa House of Representatives

Inaprubahan na ng House of Representatives sa third and final reading ang muling pagbuhay sa mandatory basic Reserve Officers Training Corps (ROTC) Program para sa Senior High School  (Grade 11 at Grade 12) sa mga pampubliko at pribadong paaralan bilang requirement sa graduation.

Ayon sa ulat ng Inquirer, nitong Lunes, ika-20 ng Mayo, ay nag-resume ang plenary session ng mabababang kapulungan ng kongreso matapos ang tatlong buwang election break at inaprubahan ang House Bill No. 8961 sa botong 167 (affirmative), 4 (negative) at zero abstentions.

Ang pangunahing layunin ng ROTC program ay ang itanim sa isipan ng mga kabataang Pilipino ang spirit of nationalism, nation-building, at national preparedness. 

Imahe mula sa Facebook page ng ROTC-CVSU Main

Sa pamamagitan ng ROTC program ay maikikintal sa mga kabataan ang patriotismo, pagmamahal sa bayan, mga magagandang moral at ispiritwal na katangian, paggalang sa karapatang pantao at pagsunod sa Konstitusyon.

Ang mga estudyanteng physically o psychologically unfit at miyembro ng varsity team ng paaralan ay exempted sa ROTC training. Gayundin ang mga estudyanteng sumasailalim sa kaparehong military training at ang mga nakakuha ng exemption mula sa Department of National Defense.

Noong nakaraang taon ay ilang ulit na nanawagan sa mga mambabatas si Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik ang mandatory ROTC. Aniya, sa hinaharap ay magagamit ng mga Pilipino ang ROTC training sa pagprotekta sa bayan.

Imahe mula sa Facebook page ng Army Reserve Command

Ang ROTC ay ginawang optional noong 2001 dahil sa isang kontrobersiyal na pangyayari sa isang paaralan sa Maynila.

Noong 2002 ay naisabatas ang Republic Act 9163 o ang National Service Training Program of 2001.

Sa ilalim ng batas na ito ay pinapayagan ang mga college students na mamili kung alin sa ROTC, Literacy Training Service at Civil Welfare Training Service ang kukunin nila bilang bahagi ng kanilang required National Service Training.