CHED sa pag-alis ng Filipino, Panitikan sa kurikulum ng kolehiyo: “Hindi kami anti-Filipino”

Itinanggi ng Commission on Higher Education (CHED) na sila ay anti-Filipino kahit suportado nito ang pagiging non-mandatory subjects ng Filipino at Panitikan sa kolehiyo.

Sa ginawang pahayag ni CHED Commissioner Prospero de Vera III nitong Miyerkules, ika-29 ng Mayo, ipinaliwanag niya na hindi lang naman ang pagtuturo sa paaralan ng mga nabanggit na subjects ang tanging paraan upang mapaunlad ang wikang Filipino.

“The Commission believes in the fundamental role played by language in education. To be properly cultivated, Filipino cannot merely be taught as a subject, but must be used in oral and written forms, across academic domains,” ani De Vera.

Imahe mula sa RTVM

Binigyang-diin din ni De Vera na hindi naman in-abolish ang dalawang subjects, kundi inilipat lang sa senior high school (SHS)  dahil mahalaga umano ang mga iyon upang ihanda ang mga SHS students na maging “university-ready” kapag sila ay nakapagtapos.

“CHED did not abolish Filipino and Panitikan in the General Education Curriculum. Instead, these were transferred to the Senior High School level since these are important building blocks in the preparation of senior high students to be university-ready,” ani De Vera.

Nangako ang CHED na pagkakalooban ng scholarship at professional education assistance sa mga apektadong mga guro ng Filipino at Panitikan sa pamamagitan ng K to 12 Transition Program Fund.

Imahe mula sa Facebook page ng Tanggol Wika

Ayon sa ulat ng RMN, ang ginawang pahayag ng CHED ay kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na paboran ang CHED Memorandum Order Number 20, series of 2013, na nagsasaad na 36 units na lamang ang general education curriculum, at hindi na kabilang ang Filipino at Panitikan.