120,000 pulis ipakakalat para masiguro ang peace and order sa school opening

Magde-deploy ng 120,000 police officers ang Philippine National Police (PNP) sa iba’t ibang panig ng bansa upang masiguro ang kaligtasan ng mga estudyanteng magbabalik-paaralan simula sa Lunes, ika-3 ng Hunyo.

Tinatayang 29 milyong estudyante buhat sa iba’t ibang grade levels sa buong bansa ang dadagsa sa unang araw ng klase para sa school year 2019-2020.

Ayon sa ulat ng SunStar, inanunsiyo ni PNP Chief Oscar Albayalde na maglalagay ang PNP ng mga police assistance desks sa mga lugar na madaling mapuntahan ng mga estudyante at guro.

Public domain image

“We will be setting up police assistance desks and we will be deploying 120,000 of our people for this Ligtas Balik-Eskuwela program,” anang PNP Chief sa press briefing na isinagawa sa Camp Crame noong Lunes, ika-27 ng Mayo.

Sinabi ni Albayalde na nakikipag-ugnayan ang kapulisan sa Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.

Sa ilalim ng programa ng PNP na Ligtas Balik-Eskwela 2019, sinabi ni Albayalde na sisiguruhin ng PNP ang operational readiness ng lahat ng unit ng pulisya na rumesponde sa lahat ng banta sa peace and order, kabilang na ang mga masasamang elemento na posibleng manamantala sa sitwasyon.

Imahe mula sa Metro News Central

“In our security and operational thrusts, our guidelines for this year’s Ligtas Balik-Eskwela ensure the operational readiness of police units in responding to peace and order concerns, including threats from elements that may take advantage of the situation,” aniya.

Sinabi rin ni Albayalde na tutulong rin ang mga pulis sa traffic management operations sa paligid ng mga paaralan, partikular na sa University Belt sa Maynila.

Source :

Sunstar, MSN, PNA