“Work from Home” law bitin dahil hindi mandatory – DOLE secretary

Nailabas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Telecommuting Act o ang batas na tinatawag na “Work from Home” kaya maaari na itong maipatupad.

Sa ilalim ng IRR, ang mga employers sa pribadong sektor ay puwede nang mag-alok sa kanilang mga empleyado ng work from home o “out of the office work arrangements” sa pamamagitan ng collective bargaining.

Ang pagpapatupad ng work from home ay voluntary lang kaya si Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello, III ay nagpahayag ng pag-aalinlangan sa bagong batas, ayon sa Brigada News.

Imahe mula sa Sonshine Radio

Aniya, bitin ang Telecommuting Act dahil hindi iyon mandatory na dapat sundin ng lahat ng employers. At dahil voluntary lang, nakadepende sa mga employers kung pahihintulutan nila ang kanilang mga empleyado na magtrabaho out of the office.

“Hindi naman mandatory eh, voluntary, ibig sabihin kung halimbawa ang manggagawa gusto niya sabi niya ‘Sir, puwede ba dito na lang ako sa bahay tutal ang magagawa ko sa opisina ay magagawa ko rin sa bahay.’ Kapag sinabi ng employer na okay, e di tuloy ‘yan,” anang Labor Secretary.

Dagdag niya, “Pero kapag sinabi ng employer na, ‘Ay gusto ko andito ka lang sa opisina para natitiyak ko na kapag kailangan namin ang serbisyo mo ay andiyan ka.’ Eh hindi mai-implement ‘yang telecommuting bill na ‘yan.”

Imahe mula sa MoneyMax

Umaasa si Bello na sana ay muling pag-aralan ng Kongreso ang Telecommuting Act. Mas magiging makabuluhan daw ang batas kung gagawin iyong mandatory na dapat sundin ng mga employers.

“Pero sana later on Congress should study the possibility of making it mandatory, in other words if the worker says ‘it’s better I work at home, I will deliver better, it will also provide better working condition for me, I will avoid traffic and additional expenses,’ then magiging makabuluhan ang batas na ‘yan”  aniya.