Sa dami ng aplikante, CHED scholarship application gagawing online

Sa gitna ng pagdami ng mga aplikante, nagpahayag ang Commission on Higher Education na magpapatupad ito ng bagong sistema para sa mga estudyante na nais maging benepisyaryo ng scholarship sa ilalim ng Student Financial Assistance Programs (StuFAPs).

Ayon sa opisyal na pahayag ng tagapangulo ng CHED na si Dr. Prospero E. De Vera III noong April 24, 2019, gagawing online ang application para sa scholarship simula sa susunod na taong 2020.

“Simula sa susunod na taong 2020, magpapatupad na ang CHED ng panibagong sistema sa pagsusumite ng aplikasyon ng mga nais maging iskolar sa pamamagitan ng online application,” aniya.

Imahe mula sa CHED

Maglalagay din ang Komisyon ng mga drop boxes sa bawat regional office nito kung saan maaaring ihulog ng mga estudyante ang kanilang application forms at mga documentary requirements para sa StuFAPs.

Ang pahayag na ito ng CHED ay resulta ng napakahaba at medyo magulong pila ng mga estudyante na nagsumite ng kanilang aplikasyon sa CHED Main Office sa Quezon City kung saan naroroon din ang National Capital Region at Region IV-A offices ng komisyon.

“Medyo magulo po ‘yung pila kasi naghalo ‘yung Calabarzon at NCR,” sabi ng isang student applicant nang kapanayamin ng ABS-CBN.

Nauna nang napaulat sa ilang istasyon ng telebisyon na sinisi raw ng CHED ang mga estudyante sa dahilang kung kailan malapit na ang deadline ay saka pa lang daw sila nagsusumite ng application.

Image by Popoy De Vera via Facebook page

Pinabulaanan naman ito ni Dr. De Vera.

“Hindi po ito totoo at hindi sinisisi ng CHED ang mga estudyanteng pumipila. Ang tumaas na bilang ng mga estudyanteng nagnanais makakuha ng scholarships at grants-in-aid ay salamin ng dami ng kabataang nais makatuntong sa mga kolehiyo o unibersidad upang makapagtapos,” paliwanag niya.

“Ito ay resulta rin ng Republic Act 10931 ng administrasyong Duterte na nagbibigay pag-asa sa ating mga kabataan na sumubok makatapos sa kolehiyo,” dagdag pa ng CHED chairman.

Sinasalamin din ng pagdagsa ng napakaraming aplikante ang katotohanan na maraming kabataang Pilipino ang nangangailangan ng pinansiyal na tulong upang matupad ang pangarap na makapag-aral.

Sa mga estudyanteng nagnanais na makakuha ng financial assistance mula sa CHED, basahin ang naunang ulat dito sa Virtual Pinoy para sa gabay sa scholarship application at mga documentary requirements.