ER Ejercito sentensiyado ng 8 taon dahil sa maanomalyang insurance deal

Sinentensiyahan ng Sandiganbayan ng mula anim na taon hanggang walong taong pagkabil4nggo ang dating Laguna Governor at actor na si Emilio Ramon “ER” Ejerctio matapos mapatunayang guilty sa katiwalian.

Ayon sa ABS-CBN, bukod sa kul0ng ay hindi na rin papayagang humawak ng anumang posisyon sa gobyerno ang dating gobernador na napag-alamang muling tumatakbo sa kaparehong posisyon sa darating na halalan sa Mayo..

Ang kaso ni Ejercito ay nag-ugat sa diumano’y maanomalyang pagbili niya ng health insurance plans para sa mga turista at boatmen sa bayan ng Pagsanjan, Laguna kung saan siya ang mayor mula taong 2001 hanggang 2010.

Inakusahan siya at ang kanyang kasabwat ng pamemeke ng memorandum of agreement sa First Rapids Care Ventures(FRCV) para sa accident protection at financial assistance sa mga turista at bangkero ng naturang bayan na popular  sa mga turista dahil sa Pagsanjan Falls.

Sa ilalim ng nasabing insurance, ang mga bangkero at turista sa Pagsanjan Gorge Tourist Site ay makatatanggap ng financial assistance kapag may masamang nangyari sa kanila.

Ayon sa Office of the Ombudsman na siyang nagsampa ng kaso laban kay Ejercito, ang mga Pagsanjan officials ay pumirma ng kontrata sa FRCV kahit walang public bidding.

Hindi rin daw lisensiyado at walang certificate of authority mula sa Commission on Insurance ang nasabing kumpanya.

Nakapaglagak naman ng piyansa si Ejerctio para sa kanyang pansamantalang kalayaan upang makapag-sumite ng kanyang apela sa iginawad na sentensya ng Sandiganbayan.

Si ER Ejercito ay anak ng yumaong actor na si George Estregan at pamangkin ng dating pangulo ng Pilipinas na si Erap Estrada na kasalukuyang mayor ng Maynila.