Throwback: Larawan ng batang Manilyn Reynes habang kumakanta, kinagiliwan

Ilan sa mga artistang napapanood pa rin natin ngayon ay mga dating childstar noon; mga batang nagpamalas kaagad ng pambihirang kakayahan sa pag-arte, pagkanta, at iba pang klase ng talento sa larangan ng pagtatanghal. Isa sa mga artistang ito ay ang Pepito Manaloto star na si Manilyn Reynes.

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, kinagiliwan ng marami ang ibinahaging larawan ni Reynes noong siya ay musmos pa lamang. Sa litratong ito, kumakanta ang actress-comedienne.

“Ang batang si Manilyn Reynes. Bata pa lang sadyang magaling nang kumanta,” saad ng Facebook user na si Efren Encenarial?, na siyang nag-upload ng litrato sa group.

Marami ang natuwa sa larawang ito.

“Ang galing n’yo po kasi may copy pa kayo nito,” sabi ni LT sa nag-upload.

“Idol. Ginagaya ko s’ya noon tuwang-tuwa parents ko,” kuwento ni AP.

“I know her when she was this little. She sings always when my friends requested her to sing. Talented and beautiful,” pagbabahagi ni MS.

[Kilala ko na siya noong ganito pa lang siya kaliit. Kumakanta siya palagi kapag pinakakanta ng mga kaibigan ko. Talentado na, maganda pa.]

“Ang cute niya hanggang ngayon,” puri ni AC.

“Pinapanood ko siya ngayon sa Pepito,” sabi naman ni A.

Si Reyne, ang tinaguriang “Star Of The New Decade” ng Pilipinas, ay kilala sa kanyang husay sa pagkanta, pag-arte, paggiging commercial model, at iba pa.

Una siyang lumabas bilang isang child actress sa 1983 film na “To Mama with Love”. Pagkalipas ng isang taon, nakamit niya ang kanyang unang Best Child Actress award para sa pelikulang “Minsan May Isang Ina”, kung saan niya ginampanan ang papel ng isang batang mayroong epilepsy.

Noong 2007, ipinagdiwang niya ang kanyang ika-25 taon sa showbiz industry sa pamamagitan ng isang concert sa Aliw Theatre.

Simula 2010 hanggang sa kasalukuyan ay ginagampanan niya ang papel ni Elsa sa “Pepito Manaloto: Ang Tunay na Kwento”. Si Elsa ang maybahay ng karakter ng bidang si Pepito, na ginagampanan naman ng popular comedian na si Michael V.

Image via Pepito Manaloto’s Facebook page