Kakai sa pagtuturo ng Korean language: “’Wag sila hayaang manghimasok sa ating kultura”

Mainit na usapin ngayon sa larangan ng akademya ang pagkakatanggal sa kolehiyo ng asignaturang Filipino at Panitikan makaraang magbaba ng desisyon ang Korte Suprema nitong Nobyembre 10 na hindi na ito kabilang sa General Education subjects.

Kaya naman maraming mga propesyunal at mga celebrities ang nagpahayag ng pagkadismaya sa hatol na ito ng Korte.

Nitong Nobyembre 13, nagpahayag naman ng kanyang saloobin sa social media ang aktres na si Kakai  Bautista – o si Catherine Bautista sa tunay na buhay – hinggil sa usapin na ito.

Tinutulan kasi ni Kakai ang pagtuturo ng wikang Korea sa mga pampublikong paaralan kasunod ng pag-alis ng Panitikan at Wika sa kolehiyo.

Sa kanyang post, nanawagan ang aktres sa Commision on Higher Education (CHED) na huwag ituro ang Wikang Koreano at huwag hayaang pahintulutan na manghimasok ito sa kultura ng mga Pilipino.

Kalakip ng post ni Kakai ang editorial cartooning kung saan ginugupit ng CHED ang dila na sumisimbolo sa wikang Filipino kasabay ang pag-inject sa wikang Koreano.

Humihingi din ang aktres ng paliwanag tungkol dito. Inihalimbawa rin niya ang bansang Japan na gumagamit ng sariling wika kaya sila maunlad.

Magugunitang na noong Hunyo 2017 ay lumagda ng memorandum of agreement ang Department of Education at Embahada ng Republic of Korea hinggil sa pagtuturo ng wikang Korea sa mga pampublikong paaralan sa ating bansa.