Pang. Duterte bilib kay Mayor Isko, sinabing mas magaling pa ang alkalde kaysa kanya

  • Pangulong Rodrigo Duterte bilib sa panunungkulan ni Mayor Isko Moreno
  • Inamin ng Pangulo na nanonood siya tuwing nagsasalita sa publiko ang alkalde
  • Nagpasalamat si Mayor Isko sa mga papuri mula sa Pangulo

Hindi itinago ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paghanga niya sa bagong alkalde ng Lungsod ng Maynila na si Mayor Isko Moreno sa ginagawa nitong paglilinis at pagsasaayos ng siyudad simula nang maluklok ito sa posisyon.

Public domain image

Sa isang press conference na ginanap sa Malacañang, tinanong ng isang mamamahayag si Pangulong Duterte kung ano ang masasabi niya kay Mayor isko.

“Noong nakalipas n’yong SONA (state of the nation address) ay nagbigay kayo ng direktiba sa mga LGU (local government units) na linisin po ‘yung Metro Manila … kunin na rin po naman ang inyong panig hinggil po sa ginagawang effort ni Mayor Isko Moreno dahil mabango po siya ngayon sa public pagdating sa paglilinis ng Maynila,” tanong ng isang reporter.

Hindi naman nag-atubiling ang Pangulo na sagutin ang katanungan at tahasang sinabi na bilib siya kay Mayor Isko. Sinabi pa niya na palagi niyang pinanonood ang mga public pronouncements ng alkalde.

“Bilib ako sa kanya kaya nanonood ako kung nagsasalita s’ya,” anang Pangulo.

“Mas mahusay s’ya kaysa akin, sa totoo lang. Oo, may nakita ako na mas mahusay ang resolve niya kaysa akin. Plus two ako sa kanya,” dagdag pa ng Presidente.

Imahe mula sa UNTV

Nang makarating kay Mayor Isko ang positibong obserbasyon ni Pangulong Duterte hinggil sa pagganap niya sa tungkulin bilang alkalde ng lungsod ay agad siyang nagpasalamat at ibinalik ang papuri sa Pangulo.

Aniya, si Pangulong Duterte ang inspirasyon niya at ng lahat ng mga alkalde sa bansa.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno

“Thank you for the kind words, Mr. President, but to be really honest, isa po kayo sa mga naging inspirasyon ko sa kung ano mang klase ng liderato na meron kami…

“So I think kung ano man ang nakikita nating pagpupursige ng mga alkalde sa buong Pilipinas, hindi lang po ako, ay reflection lamang ng klase ng liderato at Pangulo na meron tayo…

“So we owe it to you, Mr. President, for inspiring us and for becoming a good example to all of us,” sabi sa bahagi ng pahayag ni Mayor Isko.