Mga gulay na nagkakahalaga ng P53 million na ipinuslit mula sa China, nasabat ng Customs

  • Sari-saring agricultural products na ipinuslit mula sa China, nasabat ng BOC
  • Nagkakahalaga ng P53 million ang mga smuggled na gulay
  • Ang kargamento ay idineklara bilang fishball na nagkakahalaga umano ng mahigit dalawang milyong piso

Kinumpiska ang sari-saring smuggled agricultural products mula sa China na tinatayang nagkakahalaga ng P53 million matapos hindi ideklara ng consignee ang totoong halaga ng mga gulay tulad ng sibuyas, carrots, broccoli at patatas.

Imahe mula sa BOC

Sa isang pahayag, sinabi ng  ng Bureau of Customs-Port of Manila (BOC-POM) na idineklara ng consignee na kinilalang Shinerise Trading Service na mga fishball, popular na street food sa bansa, ang laman ng shipment na nagkakahalaga raw ng P2,542,882.

Dumating ang 16 container vans na kargamento noon pang nakaraang buwan ng Agosto at ang nagproseso ng shipment ay ang Customs broker na kinilalang si Johnna Philipian Cristobal Aceveda.

Nang magsagawa ng inspeksyon, napag-alaman na ang aktwal na laman ng labing-anim na container vans ay sibuyas, patatas, carrots at broccoli.

Ang mga sibuyas na nasa siyam na container vans ay tinatayang nagkakahalaga ng P20 milyon, ang carrots na nasa apat na container vans ay aabot din sa P20 milyon ang halaga, ang patatas na nasa dalawang container vans ay nagkakahalaga ng P2.5 milyon at isang container van ng broccoli ay nasa P10 milyon ang halaga.

Imahe mula sa BOC

Isinilbi ng BOC sa Shinerise Trading Service ang warrant of seizure and detention noong September 4 dahil sa paglabag sa Section 1400 at Section 1113 ng Customs Modernization and Tariff Act o Misdeclaration, Misclassification and Undervaluation of Goods Declaration.

Sinabi ni POM District Collector Arsenia Ilagan na inalisan na ng accreditation ang consignee habang isinasailaim naman sa imbestigasyon ang Customs broker na si Aceveda.

Ang kinumpiskang mga gulay ay sisirain dahil walang kaukulang clearance na magsisilbing katunayan na ligtas kainin ang mga iyon.

Imahe mula sa BOC