Transgender woman na gustong gumamit ng CR na pambabae pinosasan, dinala sa presinto

  • Transgender woman nakaranas ng diskriminasy0n sa loob ng isang mall
  • Binawalan ang transwoman na gumamit ng CR na pambabae
  • Pinosasan at dinala siya sa presinto dahil sa pagkuha niya ng video sa pangyayari

Isang transgender woman ang nakaranas ng diskriminasy0n dahil lang sa pagnanais na gumamit ng comfort room na pambabae sa isang mall sa Cubao, Quezon City.

Imahe mula sa QCPD PIO

Kinilala ang transgender woman bilang si Gretchen Custodio Diez na pinosasan at dinala pa sa presinto matapos niyang kunan ng video ang ginagawang diskriminasy0n sa kanya sa Farmers Plaza mall.

Base sa salaysay ni Diez, nakapila siya sa CR ng mga babae nang paalisin siya ng janitress ng mall na kinilalang si Chayra Ganal. Pinipilit umano siya ni Ganal na sa panglalaking CR siya pumasok.

Aniya, noong una ay umalis na lang siya pero napagtanto raw niya na wala naman siyang maling ginawa kaya kinompronta niya ang janitress at kinunan ng video ang nangyayari at ni-live stream sa Facebook.

Nagalit si Ganal sa pag-video ni Diez kaya tumawag ito ng security guard at dinala siya sa Cubao police station habang nakaposas at sa bandang huli ay sa Quezon City Anti-Cybercrime ng Quezon City Police Department dahil nagreklamo ang janitress sa ginawa niyang pag-video.

Umalma naman ang mga miyembro ng LGBT community na nakapanood ng video ni Diez at nanawagan sa mga public officials na gumawa ng nararapat na aksyon hinggil sa pangyayari.

Screenshot mula sa video ng GMA

Si Representative Geraldine Roman ng First District ng Bataan, na isang transgender woman, ang isa sa mga unang kumondena sa ginawang panghihiya kay Diez. Personal pa siyang nagsadya sa police station.

Nanawagan naman si Senator Risa Hontiveros na sana ay maipasa na ang Sexual Orientation, Gender Identity, and Gender Expression (SOGIE) Equality Bill.

Si Ice (dating Aiza) Seguerra naman, singer at former National Youth Commission chairperson na isang transgender man, ay naglabas ng saloobin dahil sa nangyari kay Diez.

Screenshot mula sa video ng GMA

“Honestly, this is one of my biggest fears whenever I’m out. Lalo na pag nasa Arabic countries ako. ‘Pag sa pambabaeng banyo, ilang beses na akong pinalabas. And kung sa panlalaki naman, ang daming tanong, lalo na kung may mga Pinoy,” ani Seguerra.

Kinondena rin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pangyayari. Aniya, sa ilalim ng Gender Fair Ordinance sa lungsod ay mahigpit na ipinagbabawal ang diskriminasyon, lalo na sa mga miyembro ng LGBT community.

“We condemn this kind of discrimination towards members of the LGBT+ community. I am ordering the Business Permit and Licensing Department to make sure that all business establishments are complying with the Gender Fair Ordinance,” pahayag ng alkalde.

Imahe mula sa UNTV

Samantala, inurong ng janitress ang reklamo niya laban sa transwoman at humingi ng paumanhin. Nangako umano ito na pag-aaralan ang mga karapatan ng LGBT members.

Desidido naman si Diez na ituloy ang pagsasampa ng kaso laban sa pamunuan ng mall.

“Sure po ako na one hundred percent in my heart ipu-push ko po ‘yung case against the management of that mall at saka ‘yun pong mga defamation na nangyari po sa ‘kin. Nakita naman po sa video po ‘yung pinagsasabi po sa ‘kin na, I think, kahit hindi po sa transgender na katulad ko, napakasakit pong pakinggan,” aniya.