Muling pagkikita ni Sen. Leila de Lima at inang may karamdaman, isang “beautiful reunion”

  • Masaya ang muling pagkikita ni Sen. Leila de Lima at inang may karamdaman na matagal na niyang hindi nakakapiling
  • “A beautiful reunion” ang deskripsyon ng kapatid ng senadora sa muling pagkikita nila
  • Binigyan ng korte ng 48-hour furlough ang mambabatas para madalaw ang ina

“A beautiful reunion.” Ganito inilarawan ni Vicboy de Lima ang muling pagkikita ng kanyang nakatatandang kapatid na si Senator Leila de Lima at ng kanilang ina na may karamdaman matapos payagan ng korte ang hiling ng mambabatas na madalaw ang inang matagal nang hindi nakikita.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Leila de Lima

“This is a glorious day for us because after 900 plus days, our sister is back, is able to come back here in Iriga to be with her family, to be with our ailing mother,” sambit ng nakababatang kapatid ng senadora.

Matapos bigyan ng 48-hour furlough si Senator De Lima ay agad siyang nagtungo sa kanilang ancestral home sa Iriga City sa Camarines Sur nitong Huwebes, ika-15 ng Agosto.

Ayon kay Vicboy, matagal na rin silang hindi nagkakasama-samang apat na magkakapatid. Aniya, huling umuwi sa Iriga City ang senadora noong December 2016.

Pagdating sa bahay nila, agad raw na niyakap ni Senator De Lima ang kanilang 86-anyos na ina na mayroong dementia na ang isa sa mga palatandaan ay ang paghina ng memorya.

“Hinug kaagad ng kapatid ko. And then tinanong ni Leila ‘yung mother namin ‘Sisay ako’ or in Tagalog ‘Sino ako?’ ‘Nung una hindi kaagad nakasagot ‘yung mother namin dahil mahina na ang pandinig so medyo nilakasan ng boses ni Leila,” sabi ni Vicboy.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Leila de Lima

“Sisay ako?” mas malakas na tanong daw ulit ng senadora.

“At sumagot ‘yung nanay namin: ‘Si Leila ika, si Leila ika!’ Tuwang-tuwa. Nag-hug ulit sila. It is a beautiful reunion, nag-hug lahat,” masayang kuwento ni Vic.

Masaya ang buong mag-anak sa pagbisita ni Senator De Lima. Ang iba ay nag-iyakan pa pero pinigil sila ng senadora dahil ang araw na iyon ay hindi raw isang malungkot na araw.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

“Ang sabi ni Leila sa kanila, sa aming mga kapatid, ayaw niyang makitang umiiyak kami. This is not a sad day. This is a good day for her. Makikita niya ang nanay namin,” sabi ni Vicboy.

Isang munting salo-salo ang inihanda ng mga kapatid para kay Senator Leila De Lima na kailangang bumalik sa Philippine National Police Custodial Center pagkatapos ng 48-hour furlough.

Source :

Inquirer, ABS-CBN