Mga senador hati ang opinyon kung saan dapat mag-CR ang members ng LGBTQ+ community

  • Mainit ang usapin ngayon tungkol sa mga karapatan ng LQBTQ+ members
  • Isang transgender woman ang dinala sa presinto dahil lang gusto niyang gumamit ng CR na pambabae
  • Hati ang opinyon ng mga senador tungkol sa kung anong CR ba ang dapat gamitin ng mga LGBTQ+ members

Naging mainit na usapin ngayon ang tungkol sa kung ano ang angkop na comfort room (CR) o banyo para gamitin ng mga miyembro ng LGBTQ+  community dahil sa isang insidente na nangyari sa Farmers Plaza mall sa Cubao, Quezon City kamakailan lang.

Imahe mula sa file ng Virtual Pinoy

Noong nakaraang Miyerkules, ika-14 ng Agosto, ay nakaposas na dinala sa istasyon ng pulis ang isang transgender woman na nakilalang si Gretchen Custodio Diez. Nag-ugat ang pagdala sa kanya sa Cubao Police Station dahil lang sa pagnanais niyang gumamit ng CR na pambabae.

Pinigil siya ng isang janitress at sinabihan na dapat ay  panlalaking CR ang gamitin niya.

Doon nagsimula ang hindi pagkakaunawaan na humantong sa pagdala kay Ms. Diez sa presinto na mariin namang kinondena ng mga miyembro ng LGBTQ+ at ng ibang miyembro ng publiko na bukas ang isipan tungkol sa isyu.

Isang senador, si Senator Risa Hontiveros, ang nagsabi na dapat ay maipasa na ang SOGIE (Sexual Orientation, Gender Identity and Gender Expression) Equality bill na makatutulong para mabigyan ng proteksyon ang mga katulad ni Ms. Diez at ibang LGBTQ+ members.

Sa isang naganap na Senate session ay naging hati ang pananaw ng mga senador hinggil sa pagpapagamit ng banyong pambabae para sa mga transgender woman.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Si Senator Cynthia Villar ay nagpahayag ng pagsang-ayon sa pagkakaroon ng banyo para sa kanila. Suhestiyon niya,  habang hindi pa nakagagawa ng banyo  na eksklusibo para sa mga LGBTQ+ ay ang ginagamit ng Persons with Disability (PWD) muna ang ipagamit sa kanila.

“Dapat gumawa na lang ng additional toilet. ‘Di ba may toilet tayo para sa mga PWD, baka puwedeng ‘yun na ang ipagamit para wala nang gulo,” ani Villar.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sa ilalim ng SOGIE Equality Bill, sinabi ni Bataan Congresswoman Geraldine Roman sa isang panayam, na isang transgender woman, na dapat maglagay sa loob ng CR na pambabae ng isang cubicle para sa mga transgender woman.

May agam-agam naman dito si Senator Ping Lacson.

“I see a little danger here. What if a straight male person who is voyeuristic, would enter a female restroom and do his intention?” tanong ni Sen. Lacson na ang gustong sabihin ay kung ang isang tunay na lalake ay nagpapanggap lang na transgender woman para lang makapasok sa female restroom para makapamboso.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Sinabi naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa na dapat ay isaalang-alang din ang mararamdaman ng mga “straight” hinggil sa SOGIE equality bill.

Aniya, “while kino-consider natin ‘yung rights nu’ng LGBT, hindi lang LGBT ang tingnan natin. ‘Yung straight din tingnan natin kung apektado sa ganu’ng batas. Dapat balance tayo.”

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN