Magkakapatid na lola na naiulat na nawawala matapos ang flight layover sa China, nakabalik na ng bansa

  • Tatlong lolang Pinay ang mahigit isang linggong hindi matunton ang kinaroroonan sa China
  • Ang tatlo ay galing sa Amerika at ang kanilang flight ay nag-layover sa China ng 14 oras at nakatakda sana silang dumating sa NAIA noon pang August 10
  • Update: Nabatid na ang kinaroroonan ng magkakapatid at nakabalik na ng bansa nitong Linggo ng gabi

UPDATE: Natunton na ang tatlong magkakapatid na una nang naiulat na ‘missing’ sa China. at nakabalik na sa bansa, ayon sa isang kaanak, nitong Linggo ng gabi.

Tatlong magkakapatid na Pilipinang senior citizens na pauwi ng bansa mula sa Amerika ang isang linggo nang nawawala matapos ang flight layover sa China.

Imahe mula kay John Florencio Guce

Ang magkakapatid na lola na pawang mga retired teachers ay kinilalang sina Erlinda Varela Guce, 70 anyos; Josefina Varela Baysic, 72 anyos at Pacita Varela de Guzman, 77 anyos.

Ang tatlong senior citizens, na limang buwang nagbakasyon sa Amerika, ay nakatakda sanang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noon pang ika-10 ng Agosto, ayon ay John Florencio Guce, anak ni Erlinda Varela Guce.

Noong ika-9 ng Agosto ay sumakay ang mga lola sa China Eastern Airlines Flight MU 298 mula sa John F. Kennedy Airport sa New York City at lumapag sa Pudong International Airport sa Shanghai, China para sa 14-hour layover noong ika-10 ng Agosto.

Mula sa Shanghai ay nakatakda silang dumating sa NAIA ng 11:10 ng gabi ng August 10 sakay ng connecting flight na China Eastern Airlines Flight MU 211. Naghihintay na noon sa paliparan si John Florencio, pinsang si Marlon David at Jose de Guzman na asawa ni Pacita.

“Nandun kami from August 10, 11 p.m. hanggang August 11, 3 a.m. ng Sunday, naghihintay kami,” kuwento ni John Florencio.

Imahe mula sa China Eastern Airlines

Aniya, bandang alas-dos ng madaling araw ay tumawag ang kanyang inang si Erlinda gamit ang teleponong hiniram sa isang Pilipino na pasahero rin ng flight nila.

“Nakitawag si Linda, yung nanay ko, sa isa sa mga katabi nilang pasahero na Pinoy dun, sinabi na delayed ‘yung flight nila kasi masama raw ang panahon at iche-check-in sila sa hotel bali madaling araw yun ng Sunday, August 11,” ani John Florencio.

“Tapos sinabi lang sa ‘min na ‘umuwi na kayo, ‘wag n’yo na kami hintayin.’ ‘Yun na ang una at huling contact namin sa kanila,” dagdag pa niya.

Imahe mula kay John Florencio Guce

Tinawagan daw nila ang numero ng telepono na ginamit ni Erlinda pero sabi ng may-ari ay hindi na niya kasama ang tatlo. Iniwan raw niya ang mga matatanda sa airport nang magtungo na siya sa tutuluyang hotel.

Para alamin ang kinaroroonan ng tatlo, nagtungo sina John Florencio sa Makati office ng airlines ngunit wala umano silang record ng rebooking ng mga pasahero ng nasabing flight kaya sinabihan sila na tawagan nila ang Shanghai office ng airline company.

Humingi na rin sila ng tulong sa Philippine Consulate sa Shanghai na nagsabing hinahanap na nila ang tatlong magkakapatid.

Imahe mula kay John Florencio Guce

Nang makontak nila ang China Eastern Airlines sa Shanghai ay sinabi sa kanila na naka-schedule na sumakay ng eroplano ang tatlo mula sa Wuhan patungong Shanghai pero wala raw record na sumakay nga sila sa nasabing flight.

“Doon kami natakot, nasaan na sila? Bakit hindi sila kumo-contact? These are retired teachers so hindi naman sila ‘yung tipong walang alam. These are retired teachers, kung hindi naman restricted makakatawag sila, may ways, makakatawag sila dahil may baon din naman silang perang pantawag,” anang mga kaanak ng matatanda.

Pasasalamat sa kanilang ligtas na pagbabalik.