Kauna-unahang Pinoy-made na RoRo ship maglalayag na

  • Kauna-unahang roll-on/roll-off ship na gawang Pinoy inilunsad
  • Ang M/V Isla Simara ay inaasahang maglalayag na sa susunod na linggo
  • Ang modernong RoRo ship ang kauna-unahang barko sa bansa na may Marine Evacuation System

Inilunsad ang kauna-unahang gawang-Pinoy na makabago at modernong roll-on/roll-off (RoRo) cargo ship at nakatakda na itong maglayag sa karagatan ng bansa.

Imahe mula sa DOTr

Simula sa susunod na linggo ay papalaot na ang M/V Isla Simara sa mga bayan ng Matnog, Sorsogon at Allen, Northern Samar.

Ang modernong barko ay gawa ng Josefa Slipways Incorporated at Shogun Ships Corporation.

Ayon sa Department of Transportation, ang M/V Isla Simara ay kayang maglulan ng 468 na pasahero. Mayroon itong 12-meter long vehicle ramp na siyang pinakamahaba sa buong Pilipinas. Ito rin ang kauna-unahang RoRo ship sa bansa na may modernong Automation at Control system na maaaring i-monitor sa opisina ng kumpanya habang nasa laot ang barko.

Ito rin ang kauna-unahang RoRo ship na mayroong Marine Evacuation System, isang lifesaving device kung saan maaaring magpadulas ang mga pasahero diretso sa isang lifeboat nang hindi nababasa kung sakaling kailanganing lumikas sa barko. Kahalintulad ito ng evacuation chute ng mga eroplano.

“This will boost the local ship-building industry in the Philippines. It shows that we can build better, better, and better because we continuously learn,” sabi ni Thadedeus Jovelanos, presidente ng Philippine Register of Shipping.

Imahe mula sa Scoopnest

Ipinagmamalaki ng chairman ng Shogun Ships Corporation na si Vicente Cordero ang safety features ng  M/V Isla Simara na titiyak sa kaligtasan ng mga pasahero.

“We hope that with this project, we can inspire other ship owners and ship builders to do this kind of ship in the future,” ani Cordero.

Hinihikayat naman ng Maritime Industry Authority ang iba pang local shipbuilders at ship operators na patuloy na paghusayin ang kalidad ng mga locally-constructed vessels para sa lalo pang ikauunlad ng Philippine maritime industry.

Imahe mula sa DZIQ
Source :

ABS-CBN, Facebook