Itatayong bagong Ospital ng Maynila gagawing mas maganda pa sa St. Luke’s, Makati Medical Center

  • State-of-the-art na bagong Ospital ng Maynila ipatatayo ni Mayor Isko Moreno
  • Nais ni Mayor Isko na maging mas maganda pa ang Ospital ng Maynila kaysa sa St. Luke’s Medical Center at Makati Medical Center
  • Ang lumang gusali ng Ospital ng Maynila ay gagamitin bilang College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila

Nais iparamdam ni Manilla Mayor Isko Moreno sa mga mararalitang mamamayan ang pagkalinga ng pamahalaan ng Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng isang magara at modernong pampublikong ospital.

Imahe mula sa Facebook account ni Mayor Isko Moreno

Sa pakikipagpulong niya sa mga public health workers sa Maynila kabilang na ang mga doctor, nurses at iba pang medical staff, inilahad ni Mayor Isko ang magandang plano niya tungkol sa pagpapagawa ng bagong Ospital ng Maynila.

Sabi niya, gusto niyang maging mas maganda pa ang Ospital ng Maynila kaysa sa mga prestihiyosong mga private hospitals na St. Luke’s Medical Center at Makati Medical Center.

Hindi raw papasa para sa kanya ang bagong pampublikong ospital kung hindi iyon magiging mas maganda pa sa mga nabanggit na private hospitals.

“Basta ‘pag ang Ospital ng Maynila tinayo natin at hindi naging mas maganda kaysa sa Makati Medical Center at St. Luke’s, hindi papasa sa ‘kin,” ani Mayor Isko.

“Ang isang mahirap na tao makaramdam man lamang ng tunay na pagkalinga mula sa kaniyang pamahalaan kahit sa huling hininga niya. ‘Yun ang goal natin, maiparamdam natin sa kaniya na hindi kailangan na ang public hospital, public hospital din ang hitsura. Pwede siyang public hospital pero ang hitsura niya St. Luke’s,” dagdag pa ng alkalde.

Imahe mula sa Batang Maynila via Inquirer

Ang lumang gusali ng Ospital ng Maynila, na tinatawag na Antonio Villegas building dahil binuksan ang nasabing pagamutan noong panunungkulan ni Villegas bilang alkalde ng Maynila noong 1969, ay hindi gigibain kundi gagamitin bilang gusali ng College of Medicine ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila.

Sa naunang panayam noong nakaraang buwan, sinabi ni Mayor Isko na inihahanda na ang detailed engineering design ng bagong Ospital ng Maynila at umaasa raw siya na sana sa susunod na dalawang taon ay tapos na ang fully-airconditioned at state-of-the-art na pampublikong pagamutan.

Imahe mula sa Batang Maynila via Inquirer
Source :

ABS-CBN, YouTube