Iskonek kiosk para sa libreng Wi-Fi, mobile phone charging at landline calls binuksan sa Bonifacio Shrine

  • Iskonek kiosks inilunsad ni Mayor Isko Moreno sa Bonifacio Shrine
  • Ang kiosk ay magbibigay ng libreng Wi-Fi connection, phone charging at landline calls
  • Plano pang magtayo ng 50 Iskonek kiosks sa ibang bahagi ng lungsod

Inaasahan na mas marami pa ang maeengganyong mamasyal sa Andres Bonifacio Shrine sa Lungsod ng Maynila sa paglulunsad doon ng Iskonek kiosk na magbibigay ng libreng Wi-Fi, libreng mobile phone charging at libreng landline calls.

Imahe mula sa Manila PIO

Pinangunahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang paglulunsad ng kiosk na kayang magbigay ng internet connection sa isandaang users. Hanggang 30 minutes lang ang access ng bawat user sa internet upang mabigyan naman ang iba na gumamit ng libreng serbisyo nito.

Pagkatapos ng 30 minutes ay kailangang mag-log in ulit para makakonekta sa internet.

Ayon kay Mayor Isko, ang konsepto ng Iskonek kiosk ay hango raw sa LinkNYC na ginagamit sa Manhattan, New York para sa libre at mabiliis na internet connection sa mga residente at turista doon.

Ayon pa sa alkalde, walang ginastos ang city government sa pagpapatayo ng Iskonek kiosk maliban sa elektrisidad. Ang proyekto ay ginawa sa tulong ng dalawang pribadong kumpanya – ang Eastern Communications at isa pa na hindi nabanggit ang pangalan.

Sinabi ni Atty. Aileen Regio, ang coordinator ng Eastern Communications, na hindi lang mga Manilenyo ang makikinabang sa  libreng serbisyo ng Iskonek, kundi maging ang lahat ng mga mamamayan na mamamasyal sa Bonifacio Shrine.

Imahe mula sa Manila PIO

May naka-install na mga CCTV cameras sa paligid ng kiosk upang mapangalagaan ang seguridad ng mga namamasyal sa parke, ayon kay Mayor Isko.

At kapag naging matagumpay at epektibo ang Iskonek sa Bonifacio Shrine ay plano ng alkalde na magtayo pa ng 50 kiosks sa iba’t ibang bahagi ng lungsod. Malugod itong aabangan ng mga nasasakupan ng lungsod ng Maynila.

Imahe mula kay Lyla Cruz via Manila PIO