Ikinakabit na coping beam ng Skyway Stage 3 sa NLEX, bumagsak

  • Coping beam na ikinakabit sa Skyway column sa NLEX bumagsak
  • Bumigat ang daloy ng trapiko sa bahagi ng Balintawak-Camachile sa Quezon City dahil sa insidente
  • Ang bumagsak na coping beam ay sisirain na lang at papalitan ng bago

 Bumagsak sa bahagi ng southbound lane ng North Luzon Expressway ang isang coping beam ng ginagawang Skyway Stage 3 dakong alas-dos ng madaling-araw nitong araw ng Linggo, ika-18 ng Agosto.

Screenshot mula sa video ng ABS-CBN

Ang insidente ay nagresulta sa pagbagal ng daloy ng trapiko sa dako ng Balintawak-Camachile sa Quezon City kung saan nangyari ang pagbagsak ng coping beam na 58 tonelada ang bigat.

Sa pahayag ng rigging engineer na si Reggie Garcia nasira ang dalawa sa apat na lifting log na bumuhat sa coping beam na ikinakabit sa Skyway column. Ang lifting log ang kinakabitan ng kadena ng crane.

“Noong maiangat nagkaroon ng problema doon sa lifting log pero ‘yun ay nasa design naman. Wala namang may gusto, bumigay ‘yung lifting log at ‘yan ang nangyari,” ani Garcia.

Batay sa Facebook post ng NLEX Corporation, pasado alas-diyes na ng umaga ay hindi pa rin naiaalis ang bumagsak na coping beam kaya lahat ng mga sasakyan ay sa Mindanao Avenue exit pinadaan.

Ang bumagsak na coping beam ay sisirain na lang at papalitan ng bago upang hindi magdulot ng disgrasya.

“Aalisin namin unti-unti nang makaiwas sa mas malaking disgrasya na maaaring mangyari. Babaguhin namin ang procedure para mas safe na sa susunod ang pag-erect,” sabi ni Engineer Garcia.

 

Screenshot ng NLEX Corporation statement

Habang hindi pa naiaalis ang coping beam ay inasahang magpapatuloy hanggang hapon ang pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar ng pinangyarihan dahil isang lane lang ang nadaraanan kaya nagbigay ng abiso ang NLEX Corporation sa mga motorista na gamitin ang mga alternative routes gaya ng Segment 10 C3 Int, Mindanao exit at Karuhatan exit.

Screenshot mula sa YouTube video

“As of 10:35 AM, traffic build up at Balintawak SB. You may take alternative routes. NLEX traffic and safety teams are on site to manage the traffic situation and ensure motorists’ safety,” ayon sa statement ng NLEX Corporation.

Bago mag alas-dose ng tanghali ay natanggal na ang bumagsak na coping beam.

Screenshot ng NLEX Corporation statement
Source :

Facebook, ABS-CBN