Batas na magpapababa ng singil sa kuryente pinirmihan ni Pang. Duterte

  • Murang Kuryente Act pirmado na ni Pangulong Rodrigo Duterte
  • Aabot sa P172 ang matitipid ng mga consumers na kumukonsumo ng 200 kWh ng kuryente kada buwan
  • Pinirmahan din ng Pangulo ang Anti-Obstruction of Power Lines Act

Siguradong mababawasan na ang pasanin ng mga mamamayan matapos pirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na magpapababa sa singil sa kuryente.

Imahe mula sa Abante

Noong ika-8 pa ng Agosto napirmahan ng Pangulo ang Republic Act No. 11371 o mas kilala sa tawag na “Murang Kuryente Act” pero nito lamang Martes, ika-13 ng Agosto, inilabas sa publiko ang kopya ng batas na si Senator Sherwin Gatchalian ang pangunahing may akda.

Sa ilalim ng bagong batas, gagamitin ng pamahalaan ang bahagi ng share nito sa Malampaya natural gas project sa Palawan na nagkakahalaga ng P208 billion upang ipambayad sa pagkakautang ng National Power Corporation (Napocor).

Ang utang  ng Napocor ay kasalukuyang ipinapasa sa mga consumers bilang “universal charge” sa monthly electricity bill.

Sinabi ni Senator Gatchalian na aabot sa P172 ang mababawas sa bayarin sa kuryente ng mga consumers na kumukonsumo ng hindi bababa sa 200 kilowatt hours kada buwan dahil sa bagong batas.

Bukod sa Murang Kuryente Act, pinirmahan din ni Pangulong Duterte ang Anti-obstruction of Power Lines Act na naglalayong alisin ang lahat ng sagabal sa mga kable ng kuryente upang masigurong tuluy-tuloy at maayos ang daloy ng kuryente sa buong bansa.

Imahe mula sa PCOO

Sa ilalim ng batas ay ipinagbabawal ang pagtatanim ng mga matataas na puno, mga delikadong istruktura at pagsasagawa ng mga delikadong aktibidad sa ilalim ng mga power line corridors upang maiwasan ang power outages.

Binibigyan din ng awtorisasyon, sa ilalim ng batas, ang mga power line owners at operators na humingi ng tulong sa Philippine National Police, local government officials at Armed Forces of the Philippines sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin.

Imahe mula sa Twitter
Source :

ABS-CBN, YouTube