Ticket ng nanalo sa P113-million 6/45 Megalotto jackpot, naiwala raw ng lotto outlet teller?

  • Winning ticket ng Mega Lotto 6/45 jackpot prize na P113 million nawala
  • Sabi ng “winner’ ibinigay niya sa lotto outlet teller ang ticket para i-verify kung nanalo nga
  • Itinanggi ng lotto outlet teller na ibinigay sa kanya ang ticket

Isang lalaki na nagsasabing siya ang nanalo sa jackpot prize sa Mega Lotto 6/45 draw ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong July 17, 2019 ang nagreklamo sa pulisya dahil naiwala umano ng lotto outlet teller ang winning ticket niya.

Imahe mula sa PCSO

Kinilala ang lalaki na si Joram Lumictin Pagaran, isang 38-anyos na binate at residente ng Barangay Soriano, Cabadbaran City, sa Agusan del Norte.

Batay sa kanyang salaysay, sinabi ni Pagaran na tinamaan niya ang lumabas na number combination sa July 17 Mega Lotto 6/45 draw na 8-11-25-33. 43 at 45.

Kwento niya, noong Huwebes, ika-18 ng Hulyo, ay nagtungo siya sa isang lotto outlet na nasa Gee Pharmacy sa E. Luna St., Brgy. Sikatuna sa Butuan City para ipa-verify sa lotto machine kung nanalo ang kombinasyon ng numero na tinayaan niya.

Nang ipasok daw ng lotto outlet teller ang ticket niya sa machine ay narinig pa niya ang salitang “congratulations” mula sa nasabing lotto machine.

Pero laking dismaya niya nang kukunin na niya ang ticket ay itinanggi na raw ng lotto outlet teller na may ibinigay siyang ticket.

Screenshot mula sa YouTube video ng Lotto Results Today

Mabilis siyang nagtungo sa Butuan City Police Station 1 at inireklamo ang teller ng lotto outlet. Ang babaeng teller ay dinala sa istasyon ng pulisya kung saan itinanggi nito na naiwala niya ang winning ticket ni Pagaran. Anang teller, walang ticket na inabot sa kanya ang lalaki.

Patuloy pang iniimbestigahan ng pulisya ang reklamo ni Pagaran.

Screenshot mula sa YouTube video ng Lotto Results Today

Ipinapayo ng PCSO sa mga nanalo ng malaking halaga sa lotto draw na isulat sa likuran ng ticket ang pangalan at pirmahan bago iprisinta sa main office nito o sa authorized lotto outlet para makuha ang premyo.

Mas mainam din na kunan ng litrato ang winning ticket para may ebidensyang maipiprisinta kung sakaling magkaroon ng aberyang katulad ng nangyari.