Singil sa text message isinusulong sa Senado na gawing one centavo na lang sa halip na piso

  • Isang sentimong singil kada text message isinusulong sa Senado
  • Inihain ni Senator Imee Marcos ang Senate resolution number 6 na naghihikayat sa DICT na magpatupad ng price ceiling sa SMS
  • Kikita pa rin ng malaki ang mga telcos kahit isang sentimo na lang ang singil sa text

Isang Senate resolution ang inihain ng bagitong senador na si Maria Josefa “Imee” Marcos na naghihikayat sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na agarang tapyasan ang singil sa text at itakda sa isang sentimo ang price ceiling nito.

Imahe mula sa Pexels

Nitong Huwebes, ika-11 ng Hulyo, ay nagbigay ng pahayag si Senator Imee Marcos na panahon na para ibaba ang singil sa short messaging service o SMS dahil matagal na rin namang pinagkakitaan ng telecommunication companies (telcos) ang mataas na presyo ng isang text.

Ang pisong singil para sa 160-character na text ay lubhang malaki, anang senador.

Layon ng kanyang Senate Resolution number 6 na balansehin ang business interest ng telcos pero dapat umanong sumunod sila sa global trend patungo sa mas mura at mas mabilis na serbisyo sa publiko.

Naniniwala si Senator Marcos na kahit na ibaba sa isang sentimo ang singil kada text message mula sa kanilang milyon-milyong subscribers ay kikita pa rin ng malaki ang mga telcos.

“Even if text messages cost only one centavo each, the three telco providers would still be able to profit from that,” ani Sen. Imee Marcos.

Alam ng mambabatas na sa pagpasok ng Dito Telecommunity (dating Mislatel) bilang third telco player sa bansa na malaki ang posibilidad na ibaba ng Smart at Globe ang singil sa kanilang serbisyo pero dapat daw ay ngayon pa lang ay ma-enjoy na ng mga tao ang murang singil sa text messaging.

Imahe mula sa Facebook accountni Imee Marcos

Ang pagbaba sa singil sa SMS ay makatutulong umano sa  mga maliliit na negosyante na kadalasang nakikipag-ugnayan sa kanilang mga customers sa pamamagitan ng text messages.

Ani Sen. Marcos, “long overdue” na ang murang text messages at istriktong pagpapatupad ng price ceiling nito.

Imahe mula sa Facebook page ng Dito Telecommunity